Karaniwang isinasagawa ang prenup shoot sa mga bonggang lugar o lugar na pasyalan ngunit sa panahon ngayon ay iba’t-ibang ideya na ang naiisip ng mga Pinoy lalo na kung may kaugnayan ito sa pagyabong ng kanilang relasyon.
Katulad na lamang ng magkasintahan na si Breth at Lovelee, na dahil kapwa raw mahilig sa manok, sa sabungan at sa poultry farm ang dalawa, isinagawa ang kanilang prenuptial photoshoot sa Bawo Cockpit Arena Borbon at sa Sto. Nino Little Farm Borbon sa lalawigan ng Cebu.
Ibinahagi ng Facebook page na ‘Sugbo.ph’ ang prenup photoshoot ng magkasintahan kung saan ang ‘Soulful Studio’ ang kumuha ng mga larawan.
Mabilis namang kumalat ang nasabing prenup pictorial at ibinahagi rin ng iba pang mga Facebook users at Facebook Pages.
“Si Breth nga hilig ug manok si Lovelee na bihag! Kamo kinsay inyong na bihag???”

Iba’t-ibang reaksyon naman ang iniwan ng netizens sa nasabing post at mayroon ding bumati sa mag-irog..
“Nag scroll kos fb haha ana ko familiar man ning laki hahaha pag zoom in ikaw gyud diay!!! Congratulations dong Breth and wifey!”
“Eagerly waiting for PIGGERY VENUE as the next site.”
Saan man ginanap ang prenup, ang mahalaga ay ang pagsasama ng mag-asawa na nangakong magsasama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya.

Kasalan sa Kabukiran
Kamakailan naman ay nag-viral din ang magkasintahan na ikinasal mismo sa kabukiran.
Ayon sa Facebook page na ‘Bicol.ph’, ikinasal ang dalawa sa kapilya ng napakalayong Sitio Pagsimbugan sa Bgy. Mapid, Lagonoy noong Agosto 30.
Sila umano ay magkababata at labintatlong taon nang magkasintahan bago sila ikinasal.
Hindi naman nila agad nalaman na nag-viral sila sa kadahilanang walang internet sa kanilang sitio.
Kuwento ng magkasintahan ay matindi ang kanilang sakripisyo upang mabasbasan ang kanilang pagsasama at matanggap ang sakramento ng Matrimonyo.

Dahil sa maputik na daan at dalawang ilog na lampas tuhod ang lalim na tinawid nila ay naantala nang ilang minuto ang kasal.
“Kasi nga po bago ‘yung time ng kasal namin umulan po talaga e kaya nga po medyo ‘yung isip ko kwan na din, kasi pano kung bumaha paano ‘yung mga bisita namin,” pagbabahagi ng groom.
“Ang pari po kasi na magkakasal sa amin pari po ng Tamban, Tinambac. E, nagse-seminar pa po kami niyan, pabalik-balik pa po kami niyan ng Tamban, medyo ano pa sa pamasahe sa bangka,” ayon naman sa bride.
Nairaos naman nila ang kasal kahit na mahirap ang kanilang pinagdaanan.
“’Yung pagiging matatag namin bilang mag boyfriend girlfriend sana po ngayong mag-asawa na kami mas lalo pa po ‘yun tumatag, ‘yung binuo naming pundasyon,” saad ni Bernie.
Best wishes sa mga ikinasal!
