John Lloyd Cruz, naa-appreciate ang pagmamahal ni Derek Ramsay kay Elias

Inamin ni John Lloyd Cruz (JLC)  na nagpapasalamat siya kay Derek Ramsay na tumatayong ama na rin sa anak nila ni Ellen Adarna na si Elias Modesto.

Ayon kay Ogie Diaz sa inilabas na ‘Ogie Diaz Showbiz Update’ vlog, nakausap niya si JLC kamakailan, at naa-appreciate umano ng aktor ang pagtrato nang maayos ni Ramsay sa kanyang anak.

Bungad ni Diaz, “Saglit ay nakausap namin si John Lloyd Cruz (walang video), sabi ko, ‘ang guwapu-guwapo ni Elias. Dagdagan mo na ‘yan.”

“Sagot sa akin, ‘Naku Ogs, bahala na.’”

Sinabi ni Diaz na sa tingin ni JLC ay may malaking papel si Ramsay kung bakit lumalaki si Elias bilang isang responsableng bata.

“Sabi sa akin ni John Lloyd, ‘Maganda rin na nandoon si Derek. Kasi naiintindihan ako ni Derek bilang tatay din siya. Ang ganda din ng ginagawa ni Derek para sa anak ko. Four years old pa lang iyan parang mature na,’” pagkukuwento ni Diaz.

Bukod dito, “Sabi pa sa akin ni John Lloyd, ‘Okay naman kami, wala naman kaming problema ni Ellen. Basta pagdating kay Elias, co-parenting talaga kami. Tapos nadadagdagan pa, may isa pang tatay, si Derek.’”

Napansin nina Diaz na kahit saan magpunta si JLC ay nakasunod sa kanya si Elias at walang kasamang yaya. Hands on daw ang aktor sa pag-aalaga sa anak kapag nasa kanya ito.

“Sabi nga niya sa akin, ‘Kung hindi ganun si Derek, hindi ko alam kung anong ugali ni Elias,’” dagdag pa ng Talent Manager.

Si Cruz at Adarna ay may co-parenting setup para kay Elias, na nilahad ng aktres sa isang panayam noong Enero. Anito, “My son needs him as much as he needs me.”

Matatandaan na nagkasama sina Cruz at Ramsay  sa isang pelikula, ang “One More Chance”, noong 2007 at gumanap na magkaribal.

Panoorin ang vlog na ibinahagi ni Diaz sa YouTube:

Post a Comment

Previous Post Next Post