Ayaw na umano ng social media star na si Zeinab Harake na magkaroon pa ng ugnayan ang dati niyang karelasyon—ang sikat na rapper at singer-songwriter na si Skusta Clee, sa anak nitong si Bia.
Ibinahagi niya ito sa entertainment presscon sa launching niya bilang bagong ambassador ng oral-care products ng beauty brand na BeauteDerm.
Tinanong siya sa presscon kung may communication pa sila ng dati niyang partner matapos ang kontrobersyal na hiwalayan dahil sa third party.
“Wala po, wala po. Cut off na po,” panimula niya.

Dahil dito ay natanong pa siya kung paano ang setup nila ni Skusta para sa baby girl nilang si Bia.
Aniya, solo niyang pinalalaki ang anak at wala umanong kusa si Skusta na magpadala ng suporta. Pero ayon sa social media influencer, kaya naman daw niyang palakihin ang anak niya nang hindi umaasa sa iba.
Para kay Zeinab, hindi na kailangan ng anak niyang si Bia na magkaroon pa ng ugnayan kay Skusta Clee.

Kaya naman niya umanong gampanan ang pagiging ina at pagiging ama sa kanyang mga anak. “Kaya ko naman po. Hindi naman po ako nangangailangan. ‘Yung baby ko po, baby ko lang po ’yon. Akin lang po ’yon.”
“Alam ko dadating ’yong time, anak ko na ang mag-e-explain na ‘Mommy ko lang lahat.’ Hindi ko siya sinusumbat na ginagawa ko. Mommy-Daddy niya ako. Okay na ako doon. Happy and proud akong sinasabi ’yon palagi. Ma-Pa nga ang tawag niya.”

Pagdating naman sa lovelife, ayon kay Zeinab ay tuluyan na siyang natauhan at happy naman siya ngayon at pinaka-priority daw niya ang kanyang sarili.
“Opo, wala na daw akong helmet. Hindi na po tayo magkakabit uli. Hahaha! Hindi na po. Talagang self-love ang pinaka-number one,” ani Zeinab.
“Sabi ko nga du’n sa mga something new, mas pinipili kong pag tingin mong hindi na worth it or enough na masasaktan ka diyan puwede ka namang mag-step back para hindi lumala. Natuto na ako, ang lala nu’ng nangyari. So, sana bago gawin ng partner mo ’yong ganu’n, magsabi ka lang nang totoo,” pagtatapos niya.
Panoorin ang video na ibnahagi ng Pikapika Showbiz via YouTube: