Liham ng isang young dog owner sa aampon sa iniwan niyang fur baby, umantig sa netizens

Maraming nalungkot sa viral photos ng isang aso at sa liham ng owner nito. Nag-iwan umano ng liham na nakakabit sa leash ng aso ang nasabing owner sa kadahilanang nagagalit ang ina nito sa kanyang aso.

Alas otso, Octubre 2 ng gabi nang ibinahagi ng Twitter user na si Nicole ang natagpuan niyang tila iniwan nang aso malapit sa Mandaluyong City Hall.

“Hello! I found an abandoned dog near Mandaluyong City Hall. Here are some of her photos, along with the note attached to her leash. If you’d like to adopt her, I brought her to Philippine Pet Birth Control Center Foundation in Boni Ave,” aniya.

Isang gusot na papel na tila nakakabit sa leash ng aso na si Panda ang napansin ni Nicole. I ito ay isang liham mula sa may-ari na nakikiusap na kung sino man ang makakita sa aso niya ay alagaan sana umano ito nang maayos.

“Kuya/ate, kung sino po ang makabasa nito, sana po alagaan niyo po nang maayos ang aso ko. Kaya ko po ginawa ito dahil lagi nagagalit si mama sa kanya. Hindi ko man kagustuhan! Sorry panda. Panda po name niya,” malungkot na sabi sa liham. Hinuha ng netizens, bata pa ang may-ari ng aso at heartbroken ito sa pagkakahiwalay nila.

Nabanggit ni Nicole sa kanyang tweet na dinala niya si Panda sa Philippine Pet Birth Control Center Foundation sa Boni Ave, Mandaluyong City.

Samantala, ang tweet ay agad na nakakuha ng napakalaking atensyon sa online world kaya nag-viral agad ito. Ilang Facebook page na rin ang nag-share ng napakalungkot na pangyayaring ito.

Gayunpaman, nitong Octubre 3 ay naglabas ng isang Facebook live na video ang PPBCC Veterinary Hospital na nagpapakita na si Panda ay nasa ilalim ng kanilang pansamantalang pangangalaga at malapit nang ampunin ni Melanie Ram ng Strays Worth Saving Foundation.

Bumuhos ang komento sa video dahil kitang-kita ang lungkot sa mga mata ni Panda. Ni wala itong bakas ng bangis. Nababalutan ito ng labis sigurong lungkot dahil naiintindihan niya kung bakit siya ipinapasa ng kanyang young owner sa ibang mas makapag-aalaga sa kanya.

Wish ng ibang netizens, malaman sana ng young owner ni Panda na sa maayos na kamay nakatakdang mapunta ang kanyang mahal na alaga at sana raw ay muli pa silang magkita.

Sa October 4 naman ay ipagdiriwang ng PPBCC ang World Animal Day kung saan layunin nito na itaas ang awareness sa kalidad ng buhay na ibinibigay sa mga aso at pusa at sa lahat ng hayop.

Habang ipinagdiriwang ang World Animal Day, ang nakapanlulumong sitwasyon ni Panda ay isang reality check na ang labis na populasyon ng mga stray cats and dogs ay laganap sa bansa.

Ipinagdiriwang ng PPBCC Veterinary Hospital ang World Animal Day kada-taon sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng bakuna laban sa rabies sa bawat aso at pusa.

Panoorin ang video.

Post a Comment

Previous Post Next Post