PCSO, nag-'Check Reveal' naman, videos bilang patunay na totoo ang 433 lotto winners

Dahil sa patuloy na pagdududa ng maraming mamamayan sa malaking bilang ng mga nakatsamba sa winning combination, naglabas ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong ika-3 at ika-4 ng Oktubre, 2022 sa kanilang Facebook page ng mga patunay na mayroon talagang winnings tickets sa Grand Lotto 6/55 Jackpot.

May ‘ticket reveal‘ at ‘check reveal‘ na ibinahagi ang PCSO sa kanilang Facebook page. May ilan ding videos ng panayam sa ilang pumayag na winners.

Pagbabahagi ng tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong ika-3 ng Oktubre, 2022 sa kanilang Facebook page, “Gaya ng inaasahan dumagsa ang mga nanalo sa tanggapan ng PCSO upang kunin ang kanilang mga napanalunan.” #LarongMayPuso

“Dumating na sa tanggapan ng PCSO Main Office sa Mandaluyong City ang ilan sa 433 Jackpot Winners sa naganap na Grandlotto 6/55 draw noong Sabado, October 1, 2022 upang kobrahin ang kanilang napanalunan,” saad na naman ng PCSO sa isa pang post. “Kauna unahan sa 433 Grandlotto 6/55 Jackpot winners na nagclaim ng kaniyang napanalunan.”

“Nagpapasalamat po ako sa PCSO na marami kaming nabibiyayaan ng Jackpot Prize. Nagbiyahe po ako ng sampung oras upang makarating dito at makuha ang aking napanalunan. Tumataya po talaga ako ng pattern 9, pattern 8, pattern 7 at pattern 6 sa loob ng maraming taon at ako’y nagpapasalamat na ngayon ay napanalunan ko na,” ayon sa first claimer umano ng kontrobersyal na winning combination sa Grand Lotto.

Kasunod nito ay ang pagbabahagi nila ng ilan pang larawan ng iba pang nag-claim ng kanilang napanalunan.

Check Reveal

Ipinakita ng isa sa mga 433 Grandlotto 6/55 Jackpot Winners ang natanggap na tseke mula sa PCSO. IT RUNS IN THE BLOOD.

“Yung winning number combination na yan matagal na yang inaalagaan ng tatay ko. Nagtatalo pa sila sa bahay kasi sinasabi ng mama ko yang number na yan in sequence masyado baka mahirap mapanalunan. Sabi ng tatay ko swerte yan swerte yan. Yan sum of 9, sum of 9 na yan sampung taon ko ng naririnig yan, paulit ulit.”

May isa pang video ang ibinahagi ng PCSO.

“PANOORIN | Pahayag ng isa sa mga nanalo ng Jackpot prize sa nagdaang Grandlotto 6/55 draw noong nakaraang sabado, October 1, 2022. Isa sa mga patunay na totoo ang 433 lotto winners.”

Isang may edad nang babae na taga-Bulacan ang masaya umano dahil maipapaopera na ang kapatid niyang may mabigat na karamdaman.

Basahin: PCSO, nag-‘Ticket Reveal’ sa kanilang FB page ng ilang lucky winners

Libo-libong komento ang bumuhos sa mga ipinost ng tanggapan. Bagama’t mayroon pa ring nagpahayag na hindi pa rin sila makapaniwala, marami naman ang piniling maging positibo sa pambihirang pangyayaring ito.

Marami ring nagpatunay at nagpasalamat na marami naman ang natutulungan ng PCSO. May mga naghayag na ilang beses na ring nakadulog at nabigyan ng tulong na gamot at treatment ang kanilang kaanak, kaya’t masaya ang marami na 433 na pamilya ang naambunan ng panalo.

Ayon sa resulta ng draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), 433 winners ang maghahati-hati sa jackpot prize na P236,091,188.40  sa 6/55 Grand Lotto na binola nitong ika-9 p.m. ng Sabado, October 1, 2022.

Ang nanalong kombinasyon, base sa lumabas na mga numero ng PCSO, ay 09-45-36-27-18-54. Ang bawat isang winning ticket ay makatatanggap ng ₱545,245.24 na premyo.

Mayroon ding 331 winners ng second prize na nagkakahalaga ng P100,000 at 2,491 winners naman sa thrid prize na may premyong P1,500.

Basahin: 433 winners paghahatian ang P236M 6/55 Grand Lotto jackpot prize, mga netizen namangha

Post a Comment

Previous Post Next Post