Isa na ngang tunay na nanay ang Kapamilya actress na si Angelica Panganiban na sumikat noon bilang isang child star.
Dalawang buwan matapos niyang isilang ang anak niya sa kaniyang partner na si Gregg Homan, ibinahagi ni Angelica ang kaniyang mga natutunan bilang isang ina.

“Bago ka mag padede kapag 4am na, mag sipilyo, hilamos at umihi ka na. You’ll never know kung papayag pa ba siyang magpababa sayo (ibulong mo na din kay Lord na sana makaligo ka sa araw na ito),” bahagi ng aktres sa kaniyang Instagram.
“Pangalawa, ipunin ang mga kailangan sa tabi mo kapag nagpadede ka, remote ng tv, at ng aircon, libro, phone, charger, tubig at snacks,” dagdag pa nito.
Pangatlo raw ay kailangang tanggapin na hindi na siya makapagsusuot ng damit except bra at hayaan na lang ang kaniyang baby na magsawa sa pagdedede nito. Nakalilimutan na rin umano niya pati ang pagsusuklay ng kaniyang buhok.

“Pang apat, kumain ng marami at mabilis. Pero bawal ang kalansing ng kubyertos at baka magising mo ang nabudol mong baby,” patuloy pa ng aktres.
Kailangan din daw na samantalahing matulog habang tulog si baby at laging subukang pakalmahin ang sarili.
“I know madami tayong gustong gawin at ma accomplish. Pero, tanggapin mo nang, hindi ka naman talaga makakatayo sa kinauupuan mo. Kaya matuto kang matulog nang nakaupo,” ayon sa ‘Love or Money’ star.

“Saludo ako sa lahat ng ina. Mabuhay tayong lahat,” pagwawakas ng kaniyang post.
Pinusuan naman ng kaniyang mga kaibigan at kasamahan sa showbiz ang ibinahaging ito ni Angelica.
Kabilang sa nagkomento sa kaniyang post ay sina Anne Curtis, Glaiza de Castro, Chynna Ortaleza, Isabel Oli, Jolina Magdangal at Maxene Magalona.
Isinilang ni Angelica ang kaniyang baby na si Amila Sabine noong Setyembre 20 sa edad na 35.