Minsan mang naging magkalaban ang kanilang mga programa noon, hindi nawawala ang respeto ni Joey de Leon sa namaalam nang OPM icon na si Danny Javier.
Sa Instagram, nagbahagi ang beteranong komedyante ng larawan kung saan magkakasama sa entablado ang comic trio na Tito, Vic and Joey (TVJ) at ang singing trio na Apo Hiking Society na binubuo nina Danny, Boboy Garovillo at Jim Paredes.

“Ang larawang ito ay nasa aklat na “Unang Tatlong Dekada” ng Eat Bulaga. Magkakasama kami ng APO sa aming kauna-unahang TV Show noong early 70s, “Okay Lang” sa TV 13, a musical gag show,” kuwento ni Joey sa kaniyang caption.
Binalikan din ng Eat Bulaga host ang paglalaro raw nila noon ng poker nina Boboy at Danny.
“We played Poker minus Jim. May utang pa nga akong 500 pesos kay Boboy hanggang ngayon! We did “Jesus Christ Superstar” on TV,” pag-aalala ni Joey.

May biro din itong pahabol sa namayapang haligi ng musikang Pinoy. Aniya, “Kung baga sa Poker, out ka na muna Danny. Next deal ka na lang pare! Rest in peace sounds like BETS PLEASE!”
Kung matatandaan, minsan ding nagtapatan sa ere ang ‘Eat Bulaga’ ng TVJ sa GMA 7 at ang “Sang Linggo nAPO Sila” ng Apo nina Danny, Boboy at Jim na ipinalalabas naman sa ABS-CBN 2.

Sumakabilang-buhay si Danny noong Lunes nang gabi sa edad na 75 matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa karamdaman.
Nabuo ang unang grupo ng Apolinario Mabini Hiking Society, na kinalaunan ay naging Apo Hiking Society, taong 1969 sa Ateneo de Manila. Nasa 15 ang orihinal na miyembro ng grupo kabilang na si Ric Segreto hanggang sa naging tatlo na lamang ang natira sa kanila.
Si Danny ang pinakamatanda sa tatlo at sinasabing siya rin ang nagpauso ng terminong OPM o Original Pilipino Music.

Kabilang sa kaniyang mga komposisyon na inawit ng grupo ay ang “Show Me A Smile”, “Pag-ibig”, “Pumapatak ang Ulan”, “Kaibigan”, “Doo bidoo”, “Kabilugan ng Buwan”, “Blue Jeans”, “Di Na Natuto”, “Kumot At Unan”, “Awit ng Barkada”, “Just A Smile Away”, at “Lumang Tugtugin”.
Ang kaniyang pinakahuling obra ay ang “Lahat Tayo” na ang video ay matutunghayan sa YouTube channel ng Homeworkzmusic:
