Kuwento ng bata sa lamay ng babaeng nagmahal, nag-alaga sa kanya noon, kinaantigan ng netizens

Nag-viral sa social media kamakailan ang isang siyam na taong gulang na bata tampok ang paglilinis nito ng kabaong ng babaeng nag-alaga sa kanya noon na itinuring siya bilang anak.

Nasaksihan naman ng anak ng babae na si Rain Deocares Gabe ang emosyonal na sandali sa pagitan ni RicRic at ng kanyang yumaong ina noong Oktubre 4, 2022.

“Siya’yung bata na pinapakain ng mama ko at binibilhan ng mga gamit. Nung namatay mama ko, hindi niya talaga iniwan at araw araw siya sa bahay namin hanggang umaga,” aniya sa kanyang caption.

Pag-aalaga kay Ricric

Ayon kay Rain, simula nang tumutuloy si Ricric sa kanyang lola, nagdesisyon umano ang kanyang ina na alagaan ito.

“Parang si mama na ‘yung halos kumukupkop sa kanya, nag-aalaga sa kanya, binibigyan siya ng pagkain, binibigyan siya ng mga gamit, at kung anong mga kulang sa kanya kasi siya rin ‘yung inuutusan ng mama ko,” pagbabahagi niya.

Pagpanaw ng ina ni Rain

Nang malaman naman ng bata na yumao na ang babae, na napag-alamang mayroon palang kanser, nagwala umano ito dahil hindi matanggap ang nangyari sa babaeng nag-alaga sa kanya.

Mahal na mahal umano ng bata ang ina ni Rain, kaya sa huling sandali nito ay lagi niya itong binibisita at nililinis ang himlayan nito.

“Nung September 29, namatay ‘yung mama ko tapos si RicRic, pagdating ng mama ko dito sa bahay every night talaga siya andito. Sabi niya, ‘Ate Rain, bigyan mo ako ng pamunas.’ So akala ko para sa kanya, kasi nga galing siya sa labas naglilinis so binigyan ko siya ng tissue,” ani Rain sa ‘The Philippine STAR’

Nang mabigyan ng pamunas ay dumiretso ito sa kabaong ng babae para punasan ito.

Naantig umano si Rain nang makita ang kabutihan ni RicRic sa kanyang ina kahit sa mga huling araw nito.

“Sabi niya palagi daw siyang umiiyak dahil napapanaginipan daw niya ‘yung si mama ko at sabi daw ni mama na ako na daw bahala sa kanya. Ako na daw ang mag-aalaga sa kanya,” aniya.

Naging emosyonal din ang mga netizens nang mapanood ang video ni Ricric sa Tiktok. Umani na ng mahigit 5.9M views ang nasabing video.

Ayon kay Rain, patuloy niyang tutulungan si RicRic kahit wala na ang kanyang ina. Makikita sa kanyang TikTok videos ang ilang update kay Ricric.

Post a Comment

Previous Post Next Post