Nakapanayam umano ni Ogie Diaz sa kanyang latest vlog ang TV personality at aktres na si Maine Mendoza kung saan ibinahagi nito ang kanyang saloobin kaugnay sa mga ‘Aldub’ fans na hindi naniniwala na magka-love team at magkaibigan lang sila ni Alden Richards.
Para kay Maine mas gusto niya na manatili lamang sa katotohanan at ayaw umano nito na manloko ng mga tao para lamang sumikat.

Sa naturang video, natanong ni Ogie kung napaunawa na ni Maine sa mga AlDub fans na screen partner lang nito si Alden.
“Marami naman pong nakatanggap.’Yung iba nag-stop na mag-support. Which is totally okay lang din naman. Pero meron pa rin po na hanggang ngayon kumakapit pa rin do’n. So ‘yon ‘yun hindi ko rin ma-tolerate and I tried calling them out couple of times already. Pero ayaw po talaga nilang maniwala,” saad ni Maine.
“Kasi ‘yung iba parang hanggang ngayon kapit na kapit sila na ‘mag-asawa kami ni Alden. May anak na kami,'” dagdag pa niya.

Inamin din umano ni Maine na marami na siyang minessage na tao sa Twitter kung saan ang maling akala nila ay wala namang katotohanan.
Ngunit hindi pa rin siya pinaniwalaan dahil inakala ng kanyang mga fans na admin lamang ito ni Maine.
“Marami na po akong mga tao na dinerect message sa Twitter to tell them na wala pong katotohanan. As in ako na po personally nagre-reach out sa kanila, not through other people, ako na ‘yung nagme-message pero. Mama Ogs ang reply pa rin nila sakin ‘Hindi si Maine ‘yan. Admin ‘yan ng account ni Maine,'” aniya.

“Parang umabot na lang din po ako sa point na nakakapagod na mag-explain and I don’t think there’s something that I can do para sa mga taong ito. Wala na ako magawa,” dagdag pa niya.
Pasasalamat naman niya na mayroon pa ring sumusuporta sa Aldub hanggang ngayon.
“Kasi naniniwala sila na kami, ‘kami pang TV lang naman ‘to eh,” ani Ogie.