Masayang-masaya ang Kapuso star na si Glaiza de Castro sa mga naaabot ng kanyang 2018 film na Liway, na hanggang ngayon ay nakatatanggap pa rin ng mga parangal.

Sa Instagram, ibinahagi ng aktres kung gaano siya kasaya nang malaman niyang itinanghal siyang Best Actress sa 29th Filipino International Cine Festival sa San Francisco, California sa ginampanan niyang papel sa Liway.
“So I got these messages at around 2 AM here in Canada saying something about Liway getting awards. ‘Di ko naintindihan agad then @kipoebanda told me that I just won another award. Huwatttt. Maraming salamat, @facinefilmfestival. It’s an honor po knowing that the winners were selected by an esteemed panel of three jury members: film scholar, critic, author JB Capino; Indonesian film scholar, curator Gaston Soehadi; and film and theater actor, academic Sunita Mukhi,” saad niya.

Nang makapanayam ni Lhar Santiago sa Chika Minute, ikinuwento ni Glaiza kung gaano niya ikinatutuwa na umabot na sa ibang bansa ang Liway, “After four years na nakatatanggap pa rin ‘yong Liway ng recognitions. Nakarating na kami ng States.”
Kasalukuyang nasa kasagsagan ng shooting sa Canada si Glaiza nang mabalitaan niya ang kaniyang pagkapanalo sa California. Ito ay collaboration ng isang Canadian group at ng Canadian government. Fulfilled na fulfilled si Glaiza sa nasabing proyekto.
“Masaya kasi may mga kababayan tayo. Meron ding ibang people from like Russia. So ibang work ethics, sobrang efficient,” wika ni Glaiza sa pelikula tungkol sa mag-asawang sumubok magbukas ng isang bagong kabanata sa Canada.
“Napilitan siyang magtrabaho sa warehouse, kaya nandito po kami sa warehouse ngayon,” aniya. “They were just trying to survive.”
Bukod sa kanyang karera, happily married din ang award-winning actress sa mister na si David Rainey.

Pebrero 2022 nang aminin ni Glaiza na ikinasal na siya sa asawang businessman sa hometown nito sa Northern Ireland noong Oktubre 2021.