Matapos bumuhos ng suporta sa ‘PDL Wish Tree’ initiative ni J/C Insp. Bryan Villaester na naglalayong ipagkaloob ang mga simpleng kahilingan ng mga nakapiit sa General Trias City Jail ngayong kapaskuhan, handa na ang grupo nila na ihandog ang katuparan ng kanilang mga ‘wishes.’
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Villaester na ipagdiriwang niya ang kanyang kaarawan sa Disyembre 14 kasama ang mga anak ng mga PDL (persons deprived of liberty) mula 8AM hanggang 11AM.
Aniya, “Once again I will be celebrating my birthday with PDL’s kids on December 14 at the Covered Court of General Trias City Jail from 8AM to 11AM.”

Isusunod na umano dito ang gift-giving sa mga PDL kaugnay ng Wish Tree.
Nanawagan din siya sa netizens na sana’y magbahagi din ang iba na nais maglagay ng ngiti sa labi ng mga bata. Aniya, “If you have unused toys or goodies, pls donate them in the jail and put a smile in the faces of these children. Happy giving…”
Bukod sa mga nauna nang nag-grant ng wishes ng mga inmates, may mga bago pang nagparating ng suporta sa kaniyang bagong post.
“May pm po ako sir magdodonate po kami bukas for 100 inmates pakibasa po pm ko sir. thanks,” nakatutuwang mensahe ni JC Aparece.

PDL Wish Tree Project
Nauna nang ibinahagi ni J/C Insp. Bryan Villaester na sinimulan niya ang programang PDL Wish Tree noon pang 2016.
“I started the Wish Tree since I was assigned in Tagaytay City Jail way back 2016. I continued it in BJMP Naic and now here in BJMP General Trias – my 3rd Jail assignment,” aniya.
Ipinahayag din niya na bagama’t may kakayanan naman ang ilang BJMP personnel na maipagkaloob ang wish ng ilang detainee, ang tinarget daw niya ay ‘yung mahikayat ang komunidad na makilahok sa programa at mabigyan sila ng pagkakataon na maging instrumento sa pagpapasaya sa mga inmates sa pamamagitan ng pag-grant ng kahilingan ng mga ito.
Kung susuriin, ang mga kahilingan ng mga inmates ay simple lamang ngunit malaking bagay ito sa kanila.
“Personally kapag nakakabasa ako ng mga very simple wishes nila naiisip ko, this might be everything to them. Maliit na bagay sa atin pero napakalaking bagay sa kanila since cla po ay nakakulong at hindi nla nakukuha agad mga gusto nila,” pagbabahagi ni Villaester.
Ang ilan sa mga mababasa sa Christmas wish list ay basic needs tulad ng damit, shorts, tsinelas,, hygiene kits, at pagkain.
“Ang wish ko po ngayong Pasko ay bagong set ng Blue Corner t-shirt medium size kahit 3 pcs. Luma na po kasi mga gamit ko, 3 years na po ako dito. Tsaka po 2 pc chickenjoy with extra rice at extra gravy! Merry Christmas po! Thank you and God bless,” ang mababasa sa isang wish.
May humiling ng mga aklat na mababasa, tsokoklateng Cloud 9, mga grocery, hamon de bola, pizza at iba pa. Maaaring ipadala ito sa courier o kaya’y ihatid doon sa kanilang tanggapan.
Ang mga tumugon ay nakipag-ugnayan kay: Major Aris Williamere A Villaester – 0921 530 7534 – BJMP Building, General Trias City Jail, Sitio La Presa Damayan Road, Barangay Navarro, General Trias City, Cavite

