Kiray may hugot matapos ang pagpanaw ni Jovit: “Hirap rin po talagang maging performer o artista”

Isang katotohanan sa mundo ng showbiz na anumang gawin o sabihin ng isang artista ay mayroon pa ring masasabi ang mga tao tungkol sa kanila.

Ganito ang pagsasalarawan ni Kiray Celis sa kanilang araw-araw na nararanasan bilang artista o performer kasunod ng pagpanaw ng kaibigan niyang si Jovit Baldivino.

Lumabas kasi sa mga ulat na napilitang pagbigyan ni Jovit ang hiling na kumanta sa isang pagtitipon sa Batangas kahit pa ipinagbawal na ito sa kaniya ng doctor dahil sa kaniyang karamdaman.

“Pinagbawalan na pala si Jovit kumanta, pero may mga nag request kaya ginawa niya. HIRAP rin po talagang maging performer o artista…” bahagi ni Kiray sa kaniyang Facebook.

“Kapag tumanggi ka sa gusto nila, mayabang o nagbago ka na. Yung kahit malungkot ka, dapat masaya ka sa paningin nila. Kahit antok ka dapat hyper ka sa kanila. Kahit gutom ka dapat nakangiti ka pa rin,” patuloy pa ng komedyante.

Ayon pa kay Kiray, sana raw ay maintindihan din ng karamihan na sila ay tao rin at may pinagdadaanan araw-araw.

“Kaya sana intindihin niyo rin po na tao lang rin kami. Artista man o hindi, lahat po tayo may problema. Lahat tayo may pinagdadaanan sa araw araw. Kaya piliin natin umunawa. Piliin nating maging mabait,” wika pa nito.

Sa isa pang post, ibinahagi ni Kiray ang isang video kung saan nakasama niya si Jovit at ilang kaibigan na masayang sumasayaw, kumakanta at nagtatawanan; patunay na malapit nga ang dalawa bilang magkaibigan.

“Jovit…. totoo ba to? Ang saya saya pa natin dito.. hindi ka lang naging mabuting kaibigan samin. Para ka na naming kapatid eh mamimiss ka namin. At mahal na mahal ka namin!” caption ni Kiray sa naturang post.

Nitong Biyernes, Disyembre 9, nagulantang ang mundo ng showbiz sa balita na biglaang pagpanaw ng kauna-unahang  “Pilipinas Got Talent” winner na si Jovit Baldivino sa murang edad na 29.

Bago pa man ito, napaulat na naospital ang singer nang ilang araw dahil sa problema sa kaniyang puso at pinagbawalan munang kumanta ng doktor hangga’t hindi tuluyang gumagaling.

Sa kabila nito, pinaunlakan pa rin ni Jovit ang hiling na umawit sa isang party na dinaluhan at doon na nga tuluyang napasama ang kondisyon ng kaniyang kalusugan.

Rest in paradise, Jovit.

Post a Comment

Previous Post Next Post