Tuluyan nang namaalam ang 29-anyos na singer at unang Pilipinas Got Talent (PGT) winner na si Jovit Baldivino matapos ang ilang araw na pagkaka-confine sa intensive care unit ng Jesus of Nazareth Hospital sa Batangas City.

Sa ulat ng ABS-CBN, ang network kung saan unang nadiskubre ang talento ni Jovit, kinumpirma umano ng mismong ama ni Jovit sa isang panayam na namaalam na ang aktor na unang nagkaroon ng mild stroke noong Nobyembre 2022.
“He passed away around 4 a.m. after six days of confinement due to stroke complications,” ani Hilario Baldivino.
“Masakit sa loob namin pero kailangang ipasa-Diyos namin ito,” pagpapatuloy ng ama. “Mahal na mahal ko anak ko pero mayroon din tayong Panginoon kaya kailangan tanggapin natin.”
Naimbitahan umano si Jovit sa isang Christmas party sa Batangas City, kung saan ito muling nakaranas ng stroke.
[RELATED – Jovit Baldivino nag-collapse sa isang party, kasalukuyang nasa ICU]
“Three songs lang kanta niya. Pagkatapos nakita na siya nakaupo, nakangiwi ang nguso. Nadala agad siya sa ospital, nakalakad mula ambulansya,” kuwento ni Hilario. “Nasabi pa niya na lalaban siya dahil gusto niyang mabuhay. Pero na-comatose na siya pagkatapos ng operasyon.”

Nakilala si Jovit matapos ideklarang grand winner sa PGT noong 2010. Naging matagumpay din ang kaniyang singing career at nakapaglabas ng ilang album kabilang na ang Faithfully na nag-triple platinum, I’d Do Anything For Love (Platinum), OPM Greatest Hits Volume One (triple platinum), at Jukebox na lahat ay sa ilalim ng Star Records.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng maybahay ng singer na si Camille Ann Miguel ang larawan nilang mag-asawa kalakip ang caption na, “Asawa ko.” Dito ay bumuhos ang mga mensahe ng pagmamahal, pakikiramay, at mga panalangin para sa hit singer.

Kaka-29 lamang ni Jovit noong October 16.
“Marami siyang pinasaya, at alam din namin mahal siya at kami ng mga tao kaya masakit man, nagpapasalamat pa rin kami sa Diyos dahil ‘yan ang tinadhana niya sa aming pamilya,” wika ng ama ni Jovit.