Nagtungo ang aktor na si Paolo Contis sa Instagram para batiin si Summer, ang anak nila ni LJ Reyes, ng isang maligayang kaarawan.
Sa ibinahaging larawan ni Paolo ay makikita na parehong nakangiti at nakatingin sa camera ang mag-ama at sinabi nitong lagi niyang naiisip at nami-miss ang anak araw-araw.
“Happy birthday, my ganda! I miss you everyday,” isinulat niya sa caption ng kanyang post na may kalakip na heart emojis.

Napakabilis lang ng panahon. Apat na taon na pala si Summer!
Hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin at naninirahan sa ibang bansa sina LJ at Summer kasama ang panganay na anak ng huli kay Paulo Avelino na si Aki.
Hindi pa rin nagkikita nang personal ang mag-ama simula nang umalis ito papuntang New Yok noong nakaraang taon.
Si Summer ang pangatlong anak ni Contis. May dalawa siyang anak sa kanyang estranged wife na si Lian Paz.

Si Contis ay isang aktor at komedyante na unang nakilala sa mundo ng showbiz nang maging bahagi ito ng “Ang TV.”
Sa kasalukuyan, isa siyang Kapuso talent. Naging maingay ang pangalan ng aktor kamakailan kasunod ng pag-amin ni LJ Reyes tungkol sa kanilang paghihiwalay.
Matatandaan na ang aktres na si Yen Santos ang itinuturing na third party o ang dahilan ng hiwalayan nina LJ at Paolo. Hanggang ngayon, hindi pa nagsasalita ang dalawa sa tunay na estado ng kanilang relasyon.

“As a friend” lamang ang sinasabi ng aktor kaugnay sa mga sightings sa kanila ni Yen sa mga lugar na pinupuntahan nila.
Noong nakaraang taon ay binati ni Paolo si Yen ng maligayang kaarawan at ibinahagi kung paano nila ipinagdiwang ang espesyal na okasyon.
“Happy Birthday My Best Actress!” saad sa caption ng aktor.
Nanalo kasi si Yen bilang Best Actress para sa “A Faraway Land” sa ginanap na Gawad Urian Awards noong Nobyembre taong 2022.