Nag-iisang examinee lamang ang nakapasa sa katatapos na Real Estate Licensure exam na ginanap noong Disyembre 7, 2022 (Written) at Enero 9-13, 2023 (Revalida) sa Cebu at Manila at pinangasiwaan Board of Real Estate Service.
Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), mula sa 17 examinees ay si Ma. Dani Vi Patal Edrad ng University of the Philippines – Diliman campus lang ang natatanging nakapasa sa naturang pagsusulit.

Si Edrad din ang nag-iisang examinee mula sa UP-Diliman habang hindi naman pinalad ang kaniyang mga nakasabay na nagmula sa iba’t-ibang Unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Ang Board of Real Estate Service ay binubuo nina Hon. Ofelia C. Binag, Chairman; Hon. Rafael M. Fajardo, Hon. Jose Arnold M. Tan at Hon. Pilar M. Torres-Banaag, Members.

Ang resulta ng nasabing examination ay inilabas dalawang araw matapos ang huling araw ng exam.
Itinakda naman sa darating na Pebrero 27 hanggang February 28, 2023, ang registration para sa issuance ng Professional Identification Card (ID) at Certificate of Registration na maaaring gawin online.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Edrad dahil sa kaniyang pagkakapasa.

“Thank you Lord! Bittersweet Birthday gift for me… i love my batchmates. they are all excellent professionals too… nkkatuwa ung comments sa link ng mga netizens. Thank you… “ ayon sa kaniyang Facebook post.
“Thank you my friends, mentors, classmates, Tau Gamma Triskelion brothers and sisters and Bangko Sentral Family… Licensed Consultant at your service Edrad,” dagdag pa niya.
Sa isa pang post ni Edrad ay hindi nito napigilang magbiro.

Aniya, “Hindi ako makakain at nahihirapan akong huminga… Para akong tumama sa lotto. Para akong nagkaroon ng sampung boyfriends…”
Ang petsa at lugar na pagdarausan ng oath taking ceremony ay iaanunsiyo na lamang ng PRC sa mga darating na araw.