May sweet na birthday message si Neri Miranda sa kaniyang mister na si Chito na nagdiwang ng ika-47 kaarawan nitong nagdaang Martes, Pebrero 7.
Sa isang Instagram post ay binati ni Neri ang kaniyang asawa na tinawag pa niyang ‘best husband’ at ‘best dad’ sa kanilang mga anak.

Aniya, “Happy birthday sa best husband para sa akin! Thank you sa support mo palagi sa akin. Because of you, napapagaan ang trabaho ko.”
Dahil umano sa bokalista ng ‘Parokya ni Edgar’ ay naging mas masarap sa kaniya ang mangarap.
“Because of you, mas masarap mangarap. At dahil sa’yo, natutupad dahan dahan ang lahat ng mga yun na magkasama tayo. Thank you, Dad!” wika pa ng aktres.
Si Neri ay itinuturing ng mga netizens na ‘Wais na Mommy’ dahil sa tiyaga at sipag nito sa pagpasok sa iba’t-ibang uri ng negosyo at mapagkakakitaan.
Dahil nga dito, nakapagpundar na ang mag-asawa ng ilang ari-arian at negosyo tulad ng mga farms at restaurant.
Noong isang araw lamang ay ipinakita ni Neri ang kanilang bagong bahay na nabili sa Baguio. Maliit lang umano ito subalit may malaking garden na puwedeng laruan at takbuhan ng mga bata.

“Marami ring outdoor spaces para mas feel talaga ang ginaw ng Baguio. May space din para sa ihawan. Ang the best tambayan namin sa pergola yung pa-sunset na hanggang pagabi dahil super ganda ng view,” paglalarawan pa ng misis ni Chito.
Inaalok niya rin ang kanilang Baguio House sa sinumang gustong magrenta lalo na ngayong malapit na ang Panagbenga Festival sa lungsod.

Samantala, pinuri rin ni Neri ang kaniyang mister dahil sila ng mga bata ang priority nito.
“Ikaw ang the best dad para sa mga bata. Kahit pagod ka sa gigs mo, nakikipaglaro ka pa rin sa mga bata. Kami ang priority po,” ani Neri.
“Happppy birthday, Dad! We love you so much!” pagtatapos ng kaniyang post.