Emosyonal na tinanggihan ng singer-actress at kasalukuyang Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Alexa Ilacad ang kanyang “power to auto-nominate a housemate”; isang hakbang na hinangaan ng napakaraming tao sa “outside world”.
Kamakailan lamang ay ipinatawag ni Kuya si Alexa, ang celebrity housemate na napakaraming beses nang ibinoto ng kanyang mga kasamang housemate para lumabas ng PBB House. Ipinaalala ni Kuya na ito na ang huling pagkakataon na puwede nitong gamiting ang “power to auto-nominate a housemate” na isang pribilehiyong nakuha niya mula sa isang napagtagumpayang task.
“Ikaw ay may kapangyarihan para makapagbigay ng automatic nomination. At ipinaaalam ko rin sa iyo na ngayon ang pagkakataon mo para magamit ito,” wika ni Kuya.
Ngunit sa halip na gamitin ang pagkakataong ibinibigay sa kanya, naging emosyonal ang aktres at sinabi na hindi niya kayang gamitin ang kapangyarihang ito.
“Nasabi ko na rin ho yata noon na parang hindi ko po siya kayang gamitin. Hindi po siya power para sa akin. For me, it’s a burden. So hindi ko po gagamitin ‘yong power ko. Final answer,” aniya.

Nauna na ring sinabi ni Alexa sa ilang kapwa housemate na hindi niya kayang gamitin ang “power to auto-nominate” dahil naniniwala siya na walang sinuman sa loob ng bahay ang karapat-dapat na patawan ng automatic nomination.
“I don’t think any of you deserve that. It’s not a power. It’s like a burden,” saad niya.

Screenshot mula sa Pinoy Big Brother
“I feel like I should (use it) but I can’t. It’s not in me to do that to other people even if it’s a part of the game,” wika pa ng aktres.
Ang naging desisyon ni Alexa ay hinangaan ng napakaraming tao sa outside world. Anila, kung alam lang sana ng mga kapwa housemate na laging nagno-nominate sa kanya kung gaano kabuti ang kanyang puso.
