Sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin ni Allan K na nagkaroon siya noon ng girlfriend at posibleng nagkaanak sila.
Sa Christmas episode ng “Bawal Judgmental” segment sa Eat Bulaga kung saan ang mga dabarkads ang nakasalang sa pagpilipian ng isang contestant, inamin ng komedyante na isang openly gay, ang kanyang nakaraan.

Screenshot from Eat Bulaga video
Sa naturang segment ay pinahulaan sa contestant kung sino sa mga dabarkads ang nagkaroon ng gilrfriend na ang pangalan ay “Emma.” Ang pagpipilian ay sina Bosing Vic Sotto, Tito Sotto, Joey De Leon, Jimmy Santos at si Allan K.
Nahulaan naman ng contestant na si Allan K ang nagkaroon ng dyowa na Emma ang pangalan.
Kuwento ni Allan K, Emma Bernaldez ang pangalan ng naging girlfriend niya noon na taga-Mandaue, Cebu.
Noong bokalista pa siya ng isang banda sa Bacolod ay nakilala raw niya si Emma.
“Siyempre kapag singer ka maraming nagkaka-crush sa’yo,” sabi niya.
Hindi pa raw lantad noon ang pagka-bading niya. At kaya raw niya dyinowa si Emma ay para hindi mabuking ang tunay niyang pagkatao. Nagtagal din naman sila pero kalaunan ay nagkahiwalay at nawalan na ng komunikasyon sa isa’t isa.

Image from Allan K
Makalipas ang ilang panahon, isang psychic daw ang nagsabi kay Allan na may anak siya.
Sabi ni Allan, nagpe-perform siya noon sa convention ng mga psychics at isa nga sa mga ito ang lumapit sa kanya at nagsabing may anak siya.
“Di naman ako nagbubuntis, paano ako magkakaanak?” ang sabi raw niya sa psychic, pero iginiit daw nito na mayroon siyang anak.
Sa puntong iyon ng pagkukuwento ni Allan K ay tinanong siya ni Vic Sotto kung gusto niyang “manawagan” sa “anak.”
Sabi ni Allan ay si Emma lang ang naisip niya na posibleng naanakan niya. At kung totoo iyon ay handa raw siyang panagutan ang responsibilidad sa anak.
“What if kung totoo na may anak ako, ‘di ba? Siyempre dugo ko ‘yan,” aniya.
Sa totoo raw ay matagal na niyang pangarap na magka-anak. Binalak nga raw niya noon na mag-ampon.

Screenshot from Eat Bulaga video
Nanawagan ang komedyante kay Emma na mag-usap sila kung mayroon nga ba silang naging anak at ipa-DNA test ito para malaman kung siya ang ama.
Kung may anak nga raw sila ni Emma ay nasa 30 years old na ito ngayon.