Ibinuking ni Kris Aquino na nagbigay si Angel Locsin ng P2-M bilang donasyon sa mga nasalanta ng Bagyong Odette.
Sa video na mapapanood sa Twitter, sinabi ni Kris na ibinigay umano ng kaniyang kaibigan ang naturang halaga kay Vice President Leni Robredo.

Screenshot mula sa Twiiter
“Nagbigay po si Angel Locsin ng P2 million kay VP Leni para po ipantulong para po sa lahat ng mga nasalanta,” ani Kris.
Kuha ang video nang namahagi ng relief goods ang opisina ni Robredo sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Disyembre 21 kung saan nakasama rin si Kris at ang fiancé nito na si dating DILG Sec. Mel Senen Sarmiento.
Ibinahagi ito sa Twitter ng isang nagngangalang @anglca_clmnrs nitong Miyerkules din.
Ayon naman sa ulat ng Bandera, tila ‘na-pressure’ si Kris dahil sa laki ng ibinigay ng kaniyang kaibigang aktres para sa mga naapektuhan ng nagdaang kalamidad.

Imahe mula sa teamangelph.com
“Kaya noong nalaman ko po ‘yun sinabi ko, kailangan higitan ko po ‘yung ginawa ni Angel,” wika ng Queen of All Media.
Sina Angel at Kris ay kapwa sinusuportahan ang kandidatura ni Robredo na tumatakbo ngayon sa pagka-pangulo.
Noong Martes ay personal na pumunta si Angel Locsin sa opisina ni Robredo sa Quezon City upang iabot ang kaniyang donasyon para sa mga biktima ni ‘Odette’.
BASAHIN: Angel Locsin muling hinangaan sa tulong na ipinadala para sa nasalanta ng bagyong Odette

Imahe mula sa Twitter| Inquirer
Samantala, bukod kay Robredo, pinuri rin ni Kris ang kampo ni Manny Pacquiao dahil sa pakikipagtulungan nito sa Bise Presidente para sa typhoon relief operations kahit pa magkatunggali sila ngayon sa pulitika.
BASAHIN: Pacquiao, Robredo nagkaisa sa pagtugon sa mga biktima ng bagyong ‘Odette’
Tinatayang umabot na sa mahigit P2.53-B sa inprastruktura at umakyat naman sa mahigit P2.6-B naman sa agrikultura ang tinamong pinsala ng mga apektadong probinsiya dahil sa pananalasa ni Odette noong nagdaang linggo.
Maliban dito, nasa mahigit 170 katao naman ang hindi pinalad na makaligtas at nasa 38 pa ang patuloy na hinahanap ngayon, batay sa records ng NDRRMC.