Masayang-masaya ang showbiz personality at talent manager na si Ogie Diaz sa panibagong kabanata ng pagkakaibigan nila ng aktres na si Aiko Melendez. Bukod sa malalim na samahan nila bilang magkumare’t kumpare, siya na rin ngayon ang humahawak sa ABS-CBN actress.
“Ako na po ang manager ni Ms. Aiko Melendez. Kung may mga inquiries po kayo sa kanya, ako na lang po ang inyong kontakin,” saad niya sa Ogie Diaz Showbiz Updates.

Ani Ogie, mga binata’t dalaga pa sila ni Aiko ay magkakilala na sila at talaga namang magkaibigan na. Simula pa lamang daw sa Bubble Gang ay close na sila ng aktres kaya naman ikinatutuwa niya ang panibagong yugtong ito sa kanilang dalawa.
“Inaanak ko ‘yong mga inaanak niya, inaanak niya ‘yong mga inaanak ko, so ganoon kalalim ang aming friendship,” kuwento niya.
“Actually, nakiusap si Aiko na kung puwede ko siyang i-manage. Lagi ko namang sinasabi rito, kung mayroon akong dalawang artista na mahal na mahal na mula no’ng araw hanggang ngayon na consistent na mahal ko na puwede kong murahin at puwede ko ring mahalin, at alam mo ‘yon, anytime gusto kong kausapin o ako gustong kausapin, e, nagkakaroon kami ng communication at hindi nahihiyang maglahad sila ng problema sa akin o humingi ng payo. Ganu’n din naman ako. Kung may nakakaalam ng buhay ko, si Aiko at si Paolo Contis,” pagbabahagi niya.

Screenshot mula sa Ogie Diaz Showbiz Update | YouTube
Kuwento pa ni Ogie, ito raw ang birthday gift na hiniling sa kanya ni Aiko ngayong Disyembre kaya naman pinagbigyan niya ito. Masayang-masaya rin daw ang aktres dahil walang pressure mula sa kanya kahit pa mahahati ang atensiyon nito sa pagiging artista at pulitiko.

Screenshot mula sa Ogie Diaz Showbiz Update | YouTube
“Sabi ko, ‘oh, tatakbo ka ha, magiging konsehal ka n’yan so mahahati ang atensyon mo. Sabi niya, ‘mader kailangan ko pa ring magtrabaho, hindi naman ako pumasok sa politics para magpayaman. Kailangan ko pa ring kumayod para may pambuhay ako sa pamilya ko,” aniya. “So okay na iyon.”