Ikinasal ang bride at groom na sina Hiassin Jane Carulasan at Louie Pasinabo ng Oslob, Cebu noong ika-4 ng Disyembre at noong araw ding iyon ay naging parents sila ng isang baby girl.

Image from Louie Pasinabo’s Facebook account
Abala ang mga kaanak ng bride and groom para sa kasalang magaganap noong nakaraang Sabado, subalit dakong alas-singko ng madaling-araw ay humilab ang tiyan ng nagdadalantaong si Hiassin.
Agad siyang isinugod sa Oslob District Hospital kung saan siya nagsilang ng malusog na sanggol.
Sa halip na ipagpaliban ay itinuloy pa rin ang kasal ng dalawa pagkalipas lang ng limang oras matapos manganak ang bride. Dakong alas-diyes ng umaga ay ikinasal sila sa isang bakanteng lote sa harap ng ospital.
Pagbabahagi ni Louie, ang mga magulang nila ay nakiusap umano sa pari na ituloy ang kasalan. Pinakiusapan din nila ang doktor na maikasal sila sa isang bakanteng loteng hindi kalayuan sa ospital.
Mabilis namang pumayag ang pari at doktor.

Image from Louie Pasinabo’s Facebook account
Ipinaliwanag ni Louie sa wikang Cebuano kung bakit kailangang matuloy ang kasal. Wala na raw kasi silang maihahanda kung ipagpapaliban pa iyon.
Ang mga baboy raw ay nakatay na. Wala na raw silang panghanda kung sa ibang araw pa gaganapin ang kanilang pag-iisang-dibdib.
“Among mga parents maoy nanaglakaw g adtu ang father sa simbahan og g hangyo ang doctor sa hospital nga dri nalang i-held ang kasal kay kung i-postpone namo wala nami makaon kay na ihaw na tanang baboy wala nami kahanda balik,” paliwanag ng groom.

Image from Louie Pasinabo’s Facebook account
Maluwalhati namang nairaos ang kasalan na dinaluhan ng mga kaanak, kaibigan at syempre ng kanilang baby girl. Ilang staff ng Oslob District Hospital ang dumalo rin sa kasal.
Bakas sa mga ngiti ni Hiassin ang ligayang nadarama kahit na naka-wheelchair at naka-suwero pa siya habang ikinakasal sila ni Louie.