Hindi man daw niya kayang mabago o matulungan ang buong mundo, kahit isang tao lang ang mapasaya niya ay malaking bagay na.
Ito raw ang susubukang gawin ng komedyanteng si Chad Kinis ngayong buwan ng Disyembre na matutunghayan sa Christmas Special ng kanyang vlog sa YouTube na ang tema ay “Give Love and Laugh on Christmas Day.”

Screenshot fron Chad Kinis’ vlog
Ang unang itinampok niya sa Christmas special vlog ay tunay na nakaka-inspire — si Jun Jun Abella na isang student leader, miyembro ng sangguniang kabataan sa kanilang barangay at isang iskolar.
Si Jun Jun ay nakatapos na ng third year sa kolehiyo sa kursong Education. Isang taon na lang ay ga-graduate na siya.
Binisita ni Chad Kinis sa tirahan niya si Jun Jun sa Makati City, sa loob ng isang bakanteng lote.
Karton lang ang higaan ni Jun Jun. Ang bubong ng kanyang “bahay” ay tolda at ang mga dingding ay mga lumang tela.
Walang tubig, walang kuryente at walang kasilyas sa bahay ni Jun Jun kaya naman lubos ang paghanga ng komedyante sa estudyante na nairaraos nito ang pang-araw-araw na buhay at pag-aaral.
Kuwento ni Jun Jun, noon pang 2010 siya naninirahang mag-isa sa bakanteng lote….noong Grade 7 pa lang siya.

Screenshot fron Chad Kinis’ vlog
Ang pamilya niya ay nasa Antipolo at minabuti raw niyang mamuhay nang mag-isa upang hindi na makadagdag pa sa problema ng mga magulang.
Kapag may natatanggap na allowance mula sa scholarship ay binabahaginan niya ang mga magulang at kapatid.
Pangarap niyang mabigyan ng maayos na tirahan ang pamilya sa oras na makapagtapos siya at maging isang ganap na guro.
Nakilala ni Chad Kinis si Jun Jun dahil sa sulat na ipinadala ng guro nito na si Val Olaguer na humingi ng tulong para sa kanyang estudyante.
Hindi sila binigo ng komedyante na isang malaking surpresa ang ibinigay kay Jun Jun.

Screenshot fron Chad Kinis’ vlog
Hindi na sa bakanteng lote maninirahan si Jun Jun.
Hanggang sa makatapos ng pag-aaral ay sa isang maganda at maayos na dormitoryo na siya titira. May kuryente, internet, tubig, malinis na toilet, malambot na kutson na mahihigaan at de-aircon ang kuwarto.
Wala kahit isang kusing na babayaran si Jun Jun. Sagot lahat iyon ni Chad Kinis. Ang kailangan lang daw gawin ni Jun Jun ay ang mag-aral.
Tumulo ang mga luha ni Jun Jun dahil sa natanggap na regalo mula sa komedyante na naging emosyonal din nang ibigay niya sa estudyante ang susi ng kuwarto.

Screenshot fron Chad Kinis’ vlog
Sino ba naman ang hindi maaantig sa pangyayari ito na hindi inaasahan ng masikap na mag-aaral? Ating panoorin: