Nakalulungkot naman ang nangyari sa isang British na pinagnakawan ng wallet habang namimigay ng relief goods sa Bais City, Negros Oriental kamakailan.
Nakilala ang banyaga na si Graham Beard at nangyari ang insidente nitong Martes, Disyembre 21, sa may Zamora at Aglipay Streets.

Imahe mula sa Facebook| Graham Beard
Ayon sa post ng isang netizen na nais matulungan si Beard, namamahagi sila ng mga bottled water ast biscuits sa nabanggit na lugar dakong alas-4:30 hanggang 5:00 nang hapon nang dukutin ang wallet ng British.
Ito ay naglalaman umano ng pera, ATM cards, Green Card at mga IDs.

Screenshot mula sa Facebook| Graham Beard
“I really need all my ID cards returned to me. The wallet and other stuff is not important as nothing can be used by anyone else,” pakiusap ni Beard sa kaniyang Facebook post.
Nakakahiya para sa atin
Samantala, ikinuwento sa Inquirer ng isang concerned citizen ang pangyayari na kaniya umanong nasaksihan. Ayon sa kaniya, dinumog ng mga tao ang sasakyan nina Beard habang namimigay ito ng relief goods.
Isang grupo ng mga lalaki raw ang kaniyang napansin na tila may ibang binabalak. Binigyan pa ang mga ito ng tubig at food packs ni Beard subalit muling bumalik sa sasakyan ng banyaga makaraan ang ilang sandali.

Screenshot mula sa Facebook| Myla Mae Andigue-Lumaya
Dito niya nakitang nagsesensyasan umano ang mga lalaki at mistulang planado ang ginawa dahil alam na bago lamang sa kanilang lugar si Beard.
Matapos maubos ang food packs at tubig, dito na raw napansin ni Beard na nawawala ang kaniyang wallet. Akala raw nito ay nahulog lamang subalit hindi na niya ito natagpuan.
Dahil dito, kaagad ini-report ni Beard sa presinto ang pangyayari dahil sa pag-aalala sa kaniyang nanakaw na Green Card at IDs.
Hindi naman nito binanggit pa kung magkano ang lamang pera ng kaniyang pitaka.

Imahe mula sa Facebook| Graham Beard
Ayon naman sa concerned citizen, nahihiya siya sa nangyari dahil tumulong na nga si Beard ay pinagnakawan pa ito ng masasamang loob.
Maibabalik na rin
Samantala, batay sa pinakahuling post ni Beard sa kaniyang Facebook wall nitong Huwebes, may tumawag na umano sa kaniyang lalaki na nagngangalang Vincent at sinabing nasa kaniya ang wallet at andun pa rin ang mga mahahalagang IDs at driving license.
“I’m really happy about that and was really busy with my wife today taking care of stuff for her business, but tomorrow we are all going back to Bais so I can collect my wallet from that good man and we’ll be bringing some more totally needed water bottles and biscuits for those poor people that have been so totally devastated by the Typhoon,” ani Beard.

Screenshot mula sa Facebook| Graham Beard
Nakiusap rin ito na huwag nang masyadong pag-ukulan ng oras ang naturang pangyayari at i-enjoy na lamang ang magandang aral na nagmula rito.
Aniya, “Let’s not dwell on the bad apple in the bunch and enjoy the good things that have come out of this story, knowing so many are trying to help and bring happiness to all.”