Kinontra ni Claudine Barretto ang naunang ibinalita ni Cristy Fermin na diumano ay umatras na siya sa pagtakbong konsehal sa Olongapo City para sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ng aktres na wala iyong katotohanan.

Image from Claudine Barretto’s Instagram account
“Mga Palanggas ko sa Olongapo & Claudinians. ‘DI PO TOTOO na nag-back out ako sa pagtakbo ng COUNCILOR OF OLONGAPO. Tuloy po ang aking pagtakbo. Pls. stop spreading lies & fake news. Thank you po. Have a great day,” ang mensahe ni Claudine para sa kanyang mga taga-suporta.
Itinag pa ng aktres sa Instagram post niya ang manager na si Arnold Vegafria na kandidato naman sa pagka-mayor ng Olongapo.
Ang pahayag ni Claudine ay kasunod ng balita ni Cristy Fermin sa programa niyang Cristy Ferminute noong December 8, 2021 kung saan sinabi niya na hindi na sumama ang aktres sa mga kapartido sa paglilibot sa Olongapo.
Kawalan daw ng pondo ang dahilan, ayon kay Cristy Fermin. Hindi pa umano nabibigyan ng campaign fund si Claudine na ipinangako rito ni Arnold Vegafria at ng partido.
“Hindi na po sumasama si Claudine dahil ang pangako daw po sa kanya ni Arnold Vegafria nu’ng kunin siya para tumakbong konsehal, si Arnold ang taya sa lahat ng gastos. Wala raw anumang gagastusin si Claudine basta’t tumakbo lang,” tsika ni Manay Cristy.

Image from Claudine Barretto’s Instagram account
“Pero ang sabi ng best friend ni Claudine na best friend ko rin…kaya hindi mo ’to p’wedeng i-deny… hanggang ngayon, naka-ilang buwan na kayo wala pa ring bumababang pondo,” pagsisiwalat pa niya. “E, saan nga naman kukuha ng pera si Claudine? Kaisa-isa n’yang pelikula, e, hindi pa naipapalabas, ’yong sa kanila ni Mark Anthony Fernandez. Nasa post production stage pa lang. Saan kukuha si Claudine ng pampuhunan sa kampanya, e, wala nga siyang proyekto,” sabi pa niya.
Matapos makarating sa kanya ang balita ni Cristy Fermin ay nagbigay nga ng pahayag si Claudine upang pabulaanan ang aniya ay fake news na ipinakakalat tungkol sa kanya.
Tiniyak niya na tuloy ang pagkandidato niya. Ang dahilan umano ng hindi niya pagsama sa mga kapartido sa paglilibot sa Olongapo ay dahil abala siya sa pagpapa-renovate ng bahay.

Image from Claudine Barretto’s Instagram account