Na-hot seat ang Kapuso star na si Ken Chan nang maging guest siya sa morning show na “Mars Pa More” hosted by Kuya Kim Atienza, Iya Villania at Camille Prats.

Image from Ken Chan’s Instagram account
Isang matinding tanong ang binitiwan ni Rita Daniela, sa pamamagitan ng recorded video, sa segment ng show na “Tarantanong.”
Si Ken at Rita, na ilang taon na rin ang love team, ay magkasamang muli sa pelikulang “Huling Ulan sa Tag-araw” na kabilang sa mga pelikulang ilalabas sa 2021 Metro Manila Film Festival simula December 25.
“Na-in love ka ba sa akin noong kinunan natin ‘yung first ever love scene natin nang bonggang-bongga?” tanong ni Rita.
“Like kahit 30% lang? Or sige bawasan natin, 10%. Na-inlove ka ba sa akin, just for that moment where you felt na ‘nothing’s gonna stop me na parang kami lang ‘yung nandu’n sa mundo na ‘yun?'” sundot na tanong pa ng aktres na isa ring mahusay na singer.
Game na game namang sinagot ni Ken ang tanong ng “yes.”

Screenshot from Huling Ulan sa Tag-araw movie
Pero kinulit pa siya ni Iya Villania at tinanong kung ilang percent ang pagiging in love niya kay Rita.
“Wait. Gusto kong klaruhin. Yes…pero ilang percent?” tanong ni Iya.
“Yes…70%,” sagot naman ng aktor.
Nagpaliwanag siya kung bakit 70% lang at hindi 100%.
Sabi niya, hindi pa raw siya ready na pumasok sa panibagong relationship dahil kagagaling lang niya sa isang relasyon na tumagal ng tatlong taon na nauwi sa hiwalayan.

Screenshot from Mars Pa More video
“Hindi 100% kasi… 70% dahil hindi pa talaga ako ready pumasok sa isang relationship. Kagagaling ko lang sa isang mahabang relationship na umabot ng three years. Na-enjoy ko ‘yung single life, na-enjoy ko ‘yung trabaho, na-enjoy ko ‘yung circle of friends, ‘yung time ko sa family ko. And ine-enjoy ko ‘yung moment as until now. Ayun ang nararamdaman ko, hindi pa talaga ako ready pumasok sa isang relationship,” paliwanag ni Ken.
Sa hiwalay na interview, sinabi ni Rita na binibigyang prayoridad ni Ken ang pagpapalago ng negosyo nito. Ang love life daw ng aktor ay ang business.
Ibinida rin ni Rita na abala siya sa paghahanda sa pagbabalik niya sa music scene sa susunod na taon. May ilalabas daw siyang EP (Extended Play album) na ang lahat ng mga awiting nakapaloob ay sarili niyang komposisyon.
Ang isang kanta raw doon ay ginawa niya para kay Ken.

Image from Rita Daniela’s Instagram account