Cover ng ‘Star ng Pasko’ ng isang American family sa You Tube, hinangaan

Hinangaan sa social media ang bersiyon ng ‘Star ng Pasko’ ng isang American family na humakot rin ng papuri mula sa mga Pinoy na nakapanood ng video.

Ang cover ng sikat na 2009 Kapamilya Christmas station ID ay kinanta ng Torch family at kanila itong in-upload sa You Tube.

Screenshot mula sa You Tube

Sa panayam ng ABS-CBN News, ibinahagi ng nanay na si Stephanie na bata pa lamang ang kanilang mga anak ni Craig nang magsimula silang umawit bilang isang pamilya.

Matiyaga umano nilang pinag-aralan ang lyrics ng ‘Star ng Pasko’ dahil na rin sa mensahe at inspirasyong hatid ng kanta.

“It was very hard at first like learning each of the word, but we have listened to the song a lot, everday,” kuwento ng kanilang anak na si Hannah.

Ikinuwento naman ni Craig na talagang napamahal na sa kaniya ang mga Pinoy dahil dati siyang nanirahan sa Panay at Negros island taong 1997 hanggang 1999 bilang isang misyonaryo. Bukod dito may charitable institution din ang Torch family na tumutulong sa mga mahihirap na batang Pinoy.

Screenshot mula sa You Tube video

“I found that the Filipinos are the kindest people in the whole world. They welcomed me with open arms. They have the spirit of ‘mabuhay’ and they have fed me… and taught me the language,” ayon kay Craig.

“I just loved every minute of being in the Philippines,” dagdag pa nito.

May mensahe rin ang pamilya para sa lahat ng kanilang followers sa social media ngayong humaharap sa hamon ng pandemya ang buong mundo.

Aniya, “During this time of pandemic, it’s our prayer that we will remember to love one another as Jesus loves us, and when we do that we will become strong.”

Screenshot mula sa You Tube| Star ng Pasko

Marami naman ang mga Pinoy na natuwa sa cover ng ‘Star ng Pasko’ ng Torch family sa You Tube. Sa kasalukuyan, mayroon na itong mahigit 15,000 views simula nang i-upload noong Nobyembre 30.

Ang ‘Star ng Pasko’ ang isa na marahil sa pinakapopular na station ID ng ABS-CBN na hanggang ngayon ay binabalikan, pinanonood at pinakikinggan pa rin kapag panahon ng Kapaskuhan.

Panoorin ang video ng version ng Torch family:

Post a Comment

Previous Post Next Post