Ang ‘sepanx’ o separation anxiety ay hindi lang pala sa mga tao nangyayari kundi maging sa mga alaga nating fur babies gaya ng aso at pusa. Karamihan sa atin ay talagang nanatili sa bahay noong mga panahon na ipinatupad ang lockdown sa ating bansa. Mayroon pa ngang napa-work from home o kaya’y nagnegosyo sa mismong tahanan.
Dahil sa mas maraming oras na inilalagi sa bahay ngayong may pandemya, hindi lang quality time with family ang nabuo kundi pati ang mga fur parent nagkaroon din ng extra bonding at oras sa kanilang fur babies. Pero ngayong unti-unti nang bumabalik sa dati ang trabaho at mas madalas nang nasa labas ng bahay, paano maaawat ang mga pet na nasanay nang laging kasama ang kanilang bossing? Sepanx is real din ba sa mga alagang hayop gaya ng aso at pusa?
Narito ang ilang mga palatandaan ng ‘sepanx’:
Kung ang fur baby mo ay tila balisa kapag paalis ka, naninira ng mga bagay bagay kapag nilisan mo ang bahay, sinusundan ka saan mang bahagi ng bahay ka magpunta, tila ‘nagwawala’ sa kasabikan sa iyong pagbabalik at parang minamasdan ka nang mataman bago ka man lumabas — posibleng may kinakaharap kang kaso ng separation anxiety sa iyong alaga.
Ang mga aso’t pusa na may ganitong kalagayan ay nakikitaan ng mga sintomas ng pagkabalisa at naiibang asal (behavior problems) lalo na kapag sila’y naiwang mag-isa. Ang ilan sa kanila ay naghuhukay, nagkakamot (scratch) ng mga pinto o bintana sa pag-asam na makahabol o makasama sa kanilang fur parent.
Yaong hindi makatagpo ng paraan para makalabas ay kadalasang naninira ng gamit gaya ng sofa, mga unan o anumang nasa paligid nila (destructive chewing), walang tigil o paulit-ulit na pagtahol, pag-alulong o pag-atungal.
Naroon ding ihian o dumihan nila ang mga lugar na hindi naman nila karaniwang ginagawa pagkat may nakasanayan na silang designated na area para dito.
Mayroon ding tila nagha-hunger strike o ayaw kumain o kahit uminom ng tubig kahit pa may ibang tao sa paligid bukod sa pinaka-amo ng pet.

Image via Pixabay
Ano ang mga sanhi ng separation anxiety?
Ayon sa isang artikulo sa The Humane Society, hindi gaanong malinaw kung bakit ang ibang alaga natin ay nakararanas ng ‘sepanx’ samantalang ang iba naman ay hindi. Ngunit tandaan, ang behavior ng iyong pet ay bahagi ng tinatawag na ‘panic rsponse.’ Hindi umano tayo pinarurusahan ng ating mga alaga. Bagkus ay nais lamang nila tayong umuwi na!
Narito ang ilang scenario na posibleng nagti-trigger ng separation anxiety:
- ‘Yung maiwan sila sa unang pagkakataon
- ‘Yung maiwan sila matapos masanay na laging may human contact o may kasama sa bahay
- Kapag nakaranas ng isang nakato-traumang pangyayari gaya ng paglalagak sa kanila sa isang boarding kennel
- Kapag may pagbabago sa routine ng pamilya o sa istraktura, o kaya’y pagkawala ng isang mahalagang miyembro ng pamilya or ng katulad niyang fur baby
Ano ang mga maaaring gawin kaugnay dito? Panoorin ang segment na ito ng ‘Dapat Alam Mo’ para sa ilang tips:
Source: The Humane Society
