Nahihiya si Daniel Padilla na ipapanood sa reel and real sweetheart niyang si Kathryn Bernardo ang pelikula niyang entry sa 2021 Metro Manila Film Festival.
Ito ay sa kabila ng pag-amin niya na todo suporta si Kathryn noong ginagawa niya ang pelikulang “Kun Maupay Man It Panahon” (Whether the Weather is Fine).

Kun Maupay Man It Panahon movie poster
Ang pelikula ay nanalo ng isang special award – ang Cinema e Gioventù Prize mula sa Concorso Cineasti del presente Junior Jury – sa 74th Locarno Film Festival sa Switzerland noong Agosto.
Sa isang Zoom interview, inamin ni Daniel Padilla na hindi niya alam kung kakayanin niyang mapanood siya ni Kathryn sa naturang pelikula sa premiere nito dito sa bansa. Nahihiya raw siya.
“Nabanggit ko nga kasi na parang magkakaroon kami ng premiere. E, sinasabi ko parang, ‘Bal, sasama ka pa ba do’n?’ Hahaha! Kasi ako iyong nahihiya, e. Parang ako pa iyong, ‘Oh my goodness, parang hindi ko alam kung kaya…” pag-amin ng aktor.
Paliwanag niya, maging siya ay nahihiya na pinapanood ang sarili sa mga ginawang pelikula. Ganoon daw siya.
“’Yon lang problema sa akin, parang hindi ko kayang panoorin iyong sarili ko. Parang after na lang, parang gusto kong lumabas, ‘O, kumusta?’ Alam mo iyong gano’n?” sabi niya.
Kahit na raw ‘yung mga pelikula na magkasama sila ni Kathryn.

Image from Daniel Padilla’s Instagram account
“Kahit naman may mga pelikula kaming magkasama, kagaya ng mga pelikula namin sa Star Cinema. Diyus ko, alam n’yo namang hiyang-hiya at awkward na awkward ako pagdating sa ganung sitwasyon, e, di ba? At saka kapag ayoko kasi pinapanood sarili ko parang laging, ‘Sana ginawa mo ito, DJ!’ Parang lagi kong inaano iyong sarili ko,” dagdag pa ng 26-anyos na aktor na tinagurian noon bilang Teen King of Philippine Movies and TV.
Pero mukhang hindi makaiiwas si Daniel dahil pinipilit talaga siya ni Kathryn na mapanood ang premiere ng pelikula ng nobyo.
“Ano ka ba? Dapat nando’n ako,’ sabi raw sa kanya ni Kathryn.
Dahil mapilit ay isasama na raw niya si Kathryn, pero baka magtago na lang daw siya ng dalawang oras sa loob ng CR.

Image from Daniel Padilla’s Instagram account
“So yeah, I think papanoorin niya. Hahaha! Magkasama kami. Mga dalawang oras siguro ako magbabanyo. Hahaha!” birong sabi ni Daniel.
Nilinaw niya na excited naman siya na makita ang finished product ng ginawa nilang pelikula.