Sino ang mag-aakala na ang isang eksena sa lumang pelikulang Tagalog ay papatok sa mga manonood sa makabagong panahon ng social media?
Ang halos tatlong minutong video ng eksena ng pagsasayaw ng popular na loveteam noong panahong iyon na sina Nida Blanca at Nestor de Villa na ipinost sa Facebook page na “Casa Grande Vintage Filipino Cinema” noong November 21, 2021 ay humakot ng maraming views.

Image from Mike de Leon
Mahigit 771,000 na ang nakapanood niyon, 26,000 ang nagbigay ng likes at iba pang reactions, higit 5,400 shares na at ang mga netizens na nagbigay ng kanilang komento ay umabot na sa 1,100.
Ang video clip ay isang eksena sa pelikulang “Jam Session” na idinirehe ni F. H. Constantino noong 1962 kung saan mahusay na nagsayaw ang magka-loveteam ng “Pachanga.”
Ang Pachanga ay isang sayaw na nagmula sa Cuba. Dinala iyon sa Estados Unidos ng mga Cuban immigrants matapos ang WW2.
“The legendary Nida Blanca and Nestor de Villa dancing the “Pachanga” in the 1962 film “Jam Session.” Walang sinabi ang mga artista ngayon! We may never see the likes of this again!” Facebook post ng Casa Grande Vintage Filipino Cinema.
Ang movie director, scriptwriter at film producer na si Mike de Leon umano ang nag-post ng dance video ni Nida at Nestor sa naturang Facebook page.
Pagbabahagi ni Mike de Leon, hindi raw niya nagustuhan ang pelikulang “Jam Session” nang napanood niya iyon noong 1962 dahil puro sayawan lang daw at wala namang istorya.

Jam Session movie poster
“I found it corny because there was no story, only dancing from beginning to end but ends with a moral lesson, most probably still a directive of my grandmother,” sabi ni Mike De Leon.
Si Mike ay apo ng founder ng LVN Pictures na si Narcisa “Doña Sisang” de Leon na siya ring producer ng naturang pelikula ni Nida Blanca at Nestor De Villa.
Pero nang mapanood daw niya ulit ang pelikula kamakailan lang ay nagustuhan niya ang bahagi ng pelikula kung saan nagsayaw nga ng “Pachanga” si Nida at Nestor kaya in-extract niya sa pelikula ang clip at in-upload sa Facebook.
Nasa Baguio City daw siya nang malamang nag-viral ang naturang video clip.
Panoorin:
