Kinumpirma ng GMA 7 na sasailalim sa isang medical procedure ang kanilang beteranong broadcaster na si Mike Enriquez at pansamantalang hindi muna ito mapapanood sa ere sa loob ng hindi bababa sa tatlong buwan.
Sa isang pahayag na inilabas ng Kapuso network nitong Lunes, Disyembre 13, inanunsiyo nito ang napipintong medical leave of absence ni Enriquez na siya ring concurrent RGMA Network, Inc. president.

Screenshot mula sa You Tube
“He will undergo a medical procedure that will require hospital confinement and, afterwards, a minimum of three months isolation period as advised by his doctor,” ayon sa naturang pahayag.
Ganunpaman, posible umanong makabalik sa kaniyang trabaho ang GMA 7 senior radio-tv anchor bago magsimula ang Eleksyon 2022 coverage ng kanilang istasyon.
Nagpahayag din ng suporta si GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon para sa maagang paggaling ni Mike Enriquez.

Screenshot mula sa Instagram
“We support Mike’s decision to undergo the procedure that he needs. We ask for everyone’s prayers and we wish him Godspeed. We look forward to welcoming Mike back as soon as he is cleared to return to work,” ani Gozon.
Positibo naman umano ang pananaw ng batikang host ng ‘Imbestigador’ para sa kaniyang agarang paggaling na matagal na niyang napaghandaan at ipinagdarasal.
“Mike said he looks forward to the healing he has been praying and preparing for. He also looks forward to resuming his duties specially for GMA’s Eleksyon 2022 coverage,” dagdag na pahayag ng GMA.

Screenshot mula sa You Tube
Kung magugunita, taong 2018 ay nag-file din ng medical leave of absence si Enriquez bilang paghahanda para sa kaniyang bypass operation.
Kinumpirma niya rin noon na nagpapagamot siya para sa kaniyang problema sa kidneys.
Samantala, maraming tagahanga ng news anchor ang nagpahatid ng kanilang suporta at panalanging malampasan ng kanilang idolo ang suliranin nito sa kalusugan upang makabalik na sa ere.