Iginiit ng kampo ni dating senador at ngayon ay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na nakabayad na ito ng kaniyang utang na buwis sa gobyerno para sa taong 1982 hanggang 1985.
Nitong Miyerkules, Disyembre 22, ay inilabas ni Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni Marcos, ang kopya ng certification na nagmula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Atty. Vic Rodriguez| Screenshot mula sa Facebook video
Nakasaad sa naturang certification na binayaran ni Marcos ang naturang tax deficiencies na nagkakahalaga ng kabuuang P67,137.27 kasama na ang multa at interes.
Ito ay binayaran noong Disyembre 27, 2001, batay sa dokumento ng BIR, subalit pirmado ito ng ahensiya nitong ika-9 lamang ng DIsyembre, 2021.
“In here, in this certification, malinaw po dito na binayaran, ‘yung due for 1982, ’83, ’84, and ’85. So wala pong pagkakautang si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na buwis, o tax deficiency, o penalty or interest,” giit ni Rodriguez sa isang presscon.

Imahe mula sa ABS-CBN News| Joyce Balancio
“It has been paid, we owe nothing to the government. Walang basehan to disqualify Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos. Uulitin ko po, Walang basehan to deny or not to give due course to his certificate of candidacy,” dagdag pa ng abogado.
Nahaharap sa ilang disqualification case si Bongbong na isinampa sa Comelec ng mga grupong kontra sa kaniyang kandidatura, partikular na yaong mga nag-aakusa ng pang-aabuso ng rehimeng Marcos noong kapanahunan ng martial law.
Nagpaliwanag rin si Rodriguez kung bakit ngayon lang inilabas sa publiko ang nasabing dokumento.

Imahe mula sa Facebook| Bongbong Marcos
Aniya, “Purposely hindi namin pwedeng ipakita dahil naghahanap o fishing for evidence ‘yong mga petitioners na walang layuning gawin kundi guluhin at i-diskaril ‘yong maayos na kandidatura ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.”
Tinawag ring ‘basura’ ni Rodriguez ang mga petisyon para sa diskwalipikasyon ng kaniyang kliyente dahil ginugulo lamang nito umano ang Comelec na dapat sana ay kailangang i-assert na ang kanilang independence bilang constitutional poll body.