Isang lolo sa Bicol ang natulungan ni Idol Raffy Tulfo.
Matanda na si lolo Pablo Esmenda subalit sa edad na 73 ay nagagawa pa niyang umakyat ng puno ng niyog kapalit ang kakarampot na bente singko pesos sa bawat puno ng niyog na inaakyat niya.

Screenshot from RTIA video
Aniya, paminsan-minsan ay nakakatatlong puno raw siya sa isang araw. Bukod sa pag-akyat sa puno ng niyog ay namamasada pa siya ng traysikad kung saan kumikita siya ng mula singkwenta pesos hanggang isandaang piso kada araw.
Ginagawa ng matanda ang lahat ng ito upang mapag-aral ang apo na nag-aalaga sa kanya.
Ayon sa manugang ng may-ari ng mga puno ng niyog na inaakyat ni lolo Pablo, ayaw na raw nilang paakyatin pa sa puno ang matanda dahil delikado na iyon para sa kanya kaya naisipan nilang ilapit ito sa programa ni Idol Raffy.
Hindi naman nagdalawang-isip si Mr. Tulfo na agad nangako ng tulong hindi lang para kay lolo Pablo kundi pati na rin sa disisiete anyos nitong apo na pinag-aaral niya.
Sabi ng apo ng matanda, ayaw raw siyang pagtrabahuhin ng lolo niya dahil ang gusto nito ay makatapos siya sa pag-aaral.
Sa katunayan ang tanging hiling ni lolo kay Idol Raffy ay isang cellphone para magamit ng apo sa kanyang online classes.

Screenshot from RTIA video
Nagbiro pa ri Raffy Tulfo na napakaliit naman ng kahilingan ng matanda.
“Sobrang liit naman ng tingin n’yo sa akin, hanggang cellphone lang ba ako,” biro niya.
Isang cellphone at tablet ang ipinangako ni idol Raffy sa apo ni lolo Pablo na si Jo-anne.
Fifty thousand pesos naman ang ipinagkaloob sa matanda na pinaghatian ni Tulfo at anak niyang si Ralph.
Subalit hindi pa roon natatapos ang tulong para kay lolo.

Screenshot from RTIA video
Sabi ni Idol Raffy, magtutungo sa Bicol ang reporters ng Raffy Tulfo In Action upang alamin ang mga pangangailangan sa bahay ng matanda tulad ng kama, kutson, lutuan, refrigerator at iba pa. Kung kinakailangan daw na ipaayos ang bahay ay gagawin niya.
Gusto sanang bigyan ni Idol Raffy ng tricycle si lolo subalit tumanggi ito dahil hindi raw marunong magpatakbo ng motorsiklo.