Naaliw ang mga netizens sa ginawa ng magkaka-officemates na kumain sa isang buffet restaurant sa Pasay City.
Pinagsama-sama kasi nila ang kanilang mga automated teller machine cards (ATM) at kung kaninong ATM card ang mabubunot ay siyang magbabayad ng lahat ng kanilang kinain.

Screenshot from Rom Tuble’s video
Ang serbidora pa sa restaurant ang ginawa nilang tagabunot ng “masuwerteng” ATM card.
Naisipan daw nila ang ganoon dahil kasusuweldo pa lang nila. Bukod pa roon ay parating na rin daw ang kanilang 13th month pay.
Binalasa muna ng isa sa magkakaopisina ang mga ATM cards at pinapikit pa si ate serbidora bago pinabunot.
Habang pumipili ng mabubunot na ATM card, makikita ang magkakaopisina na bagama’t mga nakangiti ay tila kabado na baka sa kanila ang mabunot na card.
“Si Jeff tatawatawa lang pero kinakabahan na,” komento ng isang netizen.
Naghagalpakan ng tawa ang magkakaibigan dahil ang masuwerteng magbabayad ng kanilang bill ay ang mismong kumukuha ng video.
“’Yung mga ngiti nila hindi abot sa tenga, nun nabunot si Madam Crissy, dun lang lumabas ang totoong saya,” ayon pa sa isang nakapanood ng video.
Makikita sa video na maging ang mga taong kumakain sa katabi nilang table ay naaliw sa ginawa nilang katuwaan.

Screenshot from Rom Tuble’s video
May mga nagsabi na magandang ideya raw ang ginawa ng grupo na puwedeng gayahin.
“Mukhang magandang idea ito kada payday treat.”
“Ah, ngayon alam ko na kung ano gagawin namin ng ate ko kapag kumain kami sa labas hahaha.”
“Hahaha nakakatuwa na masakit sa ulo ng maswerte na mabubunot diyan. Magandang naka-isip niyan, gayahin ko kaya dito?”
May nagsabi naman na nakakatuwa ang ginawa ng magkakaopisina, pero nakakalungkot daw dahil BDO ang mga ATM cards nila.
“Nakakatuwa, pero nakakalungkot kasi BDO ang bank nila.”

Screenshot from Rom Tuble’s video
Nasa 700 depositors kasi ang nasimot ang pera dahil sa mga taong nang-hack ng online security system ng BDO kamakailan lang.
Nangako naman ang bangko na agad ibabalik sa mga biktima ang nawala nilang pera.
Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ang insidente at may mga persons of interest nang tinututukan ang mga awtoridad.