Natuwa ang mga fans sa idol nilang si Marc Pingris, ang binansagang “Pinoy Sakuragi” ng Philippine Basketball Association.
Ito ay dahil pinatunayan niyang mayroon siyang isang salita. Tinupad niya ang binitiwang pangako na tatakbo nang nakasuot ng bra sa loob ng village nila.
Ipinangako kasi niya na gagawin niya iyon kapag mga Pinoy ang magiging champion sa M3 Mobile Legends Bang Bang World Championship na ginanap sa Singapore na kamakailan lang natapos.

Screenshot from Marc Pingris’ video
“Hello guys, Marc Pingris here. Rooting po para sa Pilipinas sa M3 tournament. ‘Pag nanalo ang Pilipinas sa M3 ang gagawin ko po is tatakbo po akong naka-bra dito sa village namin. Gagawin ko po ‘yan para sa M3 Pilipinas,” ang sabi ni “Pinoy Sakuragi” sa isang video noong December 11, 221.
Parehong koponan mula sa Pilipinas ang nagharap sa Grand Finals matapos nilang pataubin ang mga nakalaban sa lower bracket playoffs – ang Blacklist International at ang ONIC Philippines.
Kaya hindi pa man nagsisimula ang laban sa pagitan ng Blacklist International at ONIC Philippines ay marami na ang nagmensahe sa manugang ni Bossing Vic Sotto na ihanda na ang sarili sa pagtakbo ng naka-bra dahil tiyak na Team Pilipinas ang mag-uuwi ng korona.
Noong Martes, December 21, ay ipinost ni Marc ang video ng pagtakbo niya nang naka-bra.
“Blacklist International, congrats sa inyo. Tulad ng promise ko, tumakbo ako na naka-bra sa village namin, kahit nakakahiya. Shoutout sa misis ko. Sorry, baby, pero kailangan kong gawin ‘to,” sabi ni Marc na binati pa ang asawang si Danica Sotto.

Screenshot from Marc Pingris’ video
Binati rin niya ang 2nd placer sa M3 tournament na ONIC Philippines.
“Sa Onic din, congrats din sa inyo kahit hindi kayo nag-champion. Para sa amin, nag-champion na rin kayo,” hinihingal na sambit pa ni Marc bago ipinagpatuloy ang pagtakbo sa loob ng subdivision na tinitirhan nila ni Danica.
Ibinulgar pa niya na hindi raw kay Danica ang suot niyang itim na bra. Ang kasambahay nilang si “manang” daw ang may-ari ng bra. Bago raw iyon at hindi pa naisusuot.

Screenshot from Marc Pingris’ video