Pumayag na ang FDA na paiklian ang pagitan ng pagbibigay ng COVID-19 booster shots at natanggap na 2nd dose ng mga nabakunahan na.
Paliwanag ng Department of Health (DOH), gagawin na lamang itong tatlong buwan mula sa dating napagkasunduan na anim na buwan.

Imahe mula sa PNA
“Pinirmahan na ng FDA ang panibagong amendment dun po sa Emergency Use Authorization ng mga bakuna. ‘Yung 6 months interval between the second dose and the booster dose, pinaigsi po ito for 3 months na lang kaya mas mabilis po tayong magbigay ng booster doses gamit po ang ating mga bakuna,” ani Health Secretary Francisco Duque III sa isang pahayag nitong Martes.
Ginawa ng DOH ang naturang hakbang sa gitna ng bagong panganib na maaaring idulot ng Omicron variant na nakapasok na rin sa Pilipinas.
Maliban dito, ibinahagi rin nin FDA Director General Eric Domingo na dalawang buwan na lang din ang magiging pagitan sa mga nakatanggap naman ng single dose vaccine.

FDA Dir. General Eric Domingo| Imahe mula sa PNA
Lumabas umano sa pag-aaral ng mga eksperto na nagsisimula nang mabawasan ang protection ng antibody levels kontra COVID ilang buwan lamang matapos maging fully vaccinated ang isang tao.
“So in the case of the single dose vaccine, it starts mga 2 months and then for the 2-dose vaccine it starts about 3 months after the last dose. Hindi siya bumababang mababang mababa until about 6 months. Pero ‘yun nga at the third month may nakikita nang pag-decrease,” paliwanag ni Domingo.
Batay rin umano sa resulta ng mga preliminary studies, ang third dose o booster shot ay nagbibigay ng karagdagang proteksiyon laban sa mga bagong variant kabilang na ang Omicron variant.
Nilinaw rin ni Domingo na walang natukoy ang Vaccine Expert Panel na serious adverse effects na iba sa naranasan noong matanggap ang primary vaccine kapag ibinigay nang maaga ang booster shots.

Usec Vergeire| Imahe mula sa PNA
Tiniyak din ng DOH na walang dapat ikabahala ang publiko sa posibleng epekto ng mas pinaagang booster shots at patuloy itong pinag-aaralan ng mga eksperto.
Gayunpaman, iminumungkahi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na magpakunsulta muna sa mga doktor ang mga nais tumanggap ng booster shot nang mas maaga.
Bukod dito, maaari pa rin daw sundin ang anim na buwang pagitan kapag ito ang nais ng sinuman.