Marian Rivera tumugon sa mga kritiko na kumukuwestyon sa kanyang credentials bilang hurado sa Miss Universe 2021 pageant

Bago pa man tumulak patungong Israel ang Primetime Queen na si Marian Rivera para sa Miss Universe 2021 event ay sinagot niya ang ilang kumukuwestyon sa kanyang credentials bilang hurado sa nasabing prestihiyosong pageant.

Sa isang press conference kasama ang entertainment press kamakailan ay kinumpirma niya ang kanyang pagiging kalahok sa selection committee sa gaganaping Miss Universe 2021 pageant.

Image via Instagram

Bagama’t maraming netizens ang nagpahayag ng galak at suporta sa pagkakapili sa kanya ng Miss U organization, mayroon ding mga pumuna at kinuwestyon sa kanyang kakayahan  na maging isa sa mga hurado ng patimpalak. Partikular na pinuna ng ilan ang kanyang kakayahan sa salitang Ingles.

Imbes na patulan ang mga bashers, mas pinili ni Marian Rivera Gracia-Dantes na panatiliin ang kanyang kompiyansa sa sarili.

Aniya,  “Para sa akin minsan lang siguro bigyan ng pagkakataon ang isang tao na mabigyan ng ganitong kahalagang gagampanan.”

Walang pagsidlan ang kanyang kagalakan sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanya.

“Para sa akin kasi isang malaking karangalan ito. Aaminin ko na hindi naman talaga English ang first language ko kundi Filipino. Kinuha nila ako para sa aking body of work bilang Isang Filipina. Basta, ang masasabi ko lang kilala n’yo naman ako, hindi naman ako mapagpanggap, ‘di ba.”  Pagbibigay diin niya, “Ie-express ko ang sarili ko nang naaayon sa nararamdaman ko sa araw na ’yon.”

Screenshot via Facebook video

Nang siya’y tanungin kung paano siya nakumbinsi na tanggapin ang imbitasyon na katumbas ng pag-iwan niya sa kanyang pamilya at mga anak na aabutin ng isang linggo, ang tugon niya ay: “Minsan lang talaga, lagi ko sinasabi na minsan lang siguro ito na mabigyan ako ng pagkakataon na mapabilang sa napakahalagang okasyon, kung saan syempre sama-sama ang lahat at syempre bitbit natin ‘yung bandila natin ng Pilipinas, so para sa akin isang karangalan ito na talagang buong puso ko talagang tatanggapin.”

Dagdag pa niya, “Mahirap kung mahirap pero sabi ko balang araw maiintindihan ng mga anak ko ‘yung kahalagahan ng sakripisyong ito.”

Para sa aktres-host-modelo at entrepreneur, napakalaking karangalan ang siya ay mapili, pati na rin sa ating bansa. “At nakakataba talaga ng puso na magkakaroon tayo ng chance na maging part ng isang napakalaking event na mapapanood sa buong mundo,” pahayag niya.

Kasama ng 37-anyos na si Marian ang kanyang esposo na si Dong Dantes at ang kanyang glam team na sina Steven, Melville, Vien, Road Manager Tristan at Triple A’s Jacqui sa pagtungo sa Israel nitong ika-7 ng Disyembre.

Ang  70th Miss Universe pageant ay gaganapin sa December 12, 2021 sa Eilat, Israel sa ganap na 7 p.m. ET (Dec. 13, 7 a.m. sa Pilipinas).

Post a Comment

Previous Post Next Post