Sa kabila ng pagdagsa ng mga reklamo ng mga hindi nasiyahang customers sa kalidad ng cochinillo at ibang pagkain noong December 25, 2021, hindi nasiraan ng loob ang actor-businessman na si Marvin Agustin.
Itinuloy pa rin niya ang pagluluto ng ipinagmamalaking cochinillo na in-order ng mga customers para sa New Year’s Eve. Aniya, ibinigay nila ang buong makakaya upang maging maayos ang lahat at maibigay sa customers ang masarap na karanasan.

Screenshot of Marvin Agustin’s IG post
“Happy New Year everyone. We are roasting now your cochi orders. We have prepared and gave our all to make everything good.
Enjoy the cochi we all worked hard for to give you a delicious experience,” post ni Marvin sa Instagram noong December 31, 2021.
Inanusiyo rin ng aktor na ibabalik ng “Cochi by Marvin Agustin” ang dating istilo ng kanilang operasyon kaya hindi na magagawa na mag-deliver sa mga parukyano.
Hindi raw nila pangunahing kakayahan ang pagde-deliver.
“Moving forward, after this holiday, we will go back to our old-style of operations that we won’t be able to arrange delivery anymore for our customers, as this is not our core competency,” aniya.
Ipinaliwanag niya na dahil sa distansya o layo ng pinagde-deliver-an ay mahirap para sa kanilang cochinillo na palaging dumating na maayos pa ang kalidad niyon.
Hindi umano nila kontrolado kung ano ang nangyayari sa delivery ng kanilang produkto sa kabila ng ibinibigay nilang instructions.
Sabi pa niya, mas mae-enjoy ang kanilang cochinillo kapag bagong hango sa oven.

Image from Marvin Agustin
“Our cochi quality is best enjoyed straight from the oven, delivery conditions is something beyond our control,. We give instructions what to do but we don’t know what happens during travel time,” paliwanag ng aktor.
Matatandaang kabilang sa mga reklamo ng mga customers ay ang makunat na balat ng inorder na cochinillo at ang iba naman ay sunog ang balat.
Kasabay ng paghingi ng paumanhin ay ipinaliwanag ni Marvin na nasira ang kanilang oven at ibang kitchen equipment, nagkaroon ng glitch ang kanilang website kaya hindi naging maayos ang pagkuha ng orders at maraming mga delivery riders ang nagkansela at hindi na tumanggap ng ipinade-deliver nilang litson.

Image from Marvin Agustin