“At ngayon na wala na s’ya, I realized, ang sakit pala. I never expected losing a pet could be this heartbreaking…”
Kamakailan ay nagbahagi si Beethoven Michael Del Valle Bunagan a.k.a. Michael V, o si ‘Bitoy’, ng isang kuwento kaugnay sa kanilang pet parrot na tinatawag nilang “Pepper.” Pinamagatan niya itong ‘For Pepper’ na kailan lang ay lumisan na at hindi na makababalik.

Ito umano ang kanilang first time na mawalan ng pet. “It’s our first time losing a pet after a long while,” pambungad ng 52-anyos na aktor, comedian at recording artist.
Ikinuwento niya kung paano sila nagkaroon ng parrot. Ang kanilang bunso pala ang may gusto talaga nun at dalawa pa ang biniling sun conure (parakeet) ng kanyang maybahay upang hindi malungkot. Kalaunan ay nakawala ‘yung isa at hindi na nakabalik. Si Pepper ang natira nilang pet. One time umano ay nakawala rin si Pepper ngunit kinabukasan ay muling bumalik matapos mabasa ng ulan, at tila natuto na ito ng leksyon.

Sa kasamaang-palad, isang araw ay nakalipad umano ito sa bakod at agad na nadale ng pusa. Hindi na siya naisalba.
Malungkot na lahad ni Bitoy, tangan niya sa kanyang kamay ang walang buhay ngunit mainit-init pang alaga. Kung marunong lang umano siyang mag-CPR sa mga ibon ay ginawa na niya agad. Pero wala na’ huli na. Lahat umano sila sa bahay ay nag-iyakan.
Mas lalo daw silang naiyak nang mapagtanto nila kung gaano sila napasaya ni Pepper lalo na nitong pandemic.
“Natuto s’yang lumipad at dumapo sa amin pag tinatawag namin s’ya. Madalas literal pa na nakikitawa s’ya sa ‘min when he hears us laughing at humahalik sa lips namin when he gets the chance. And for a tiny creature, I never thought he’d be able to express love and gratitude but surprisingly, he did! Naramdaman naming lahat na mahal n’ya kami.”

Ibinahagi pa ni Bitoy ang isa pang realisasyon; na wala talaga sa size, sa gender o sa specie ang pagmamahal. “Basta nagmahal ka and they love you back, that’s all that actually matters.”
Paalala niya sa kanyang FB friends, “Kaya kayo d’yan, sana you don’t take your loved ones for granted. Lalung-lalo na if they were able to make you feel how much they love you. Mas masarap sa pakiramdam ang magmahal kesa maiwan ng mahal mo sa buhay.”
Bumuhos ang komento ng mga netizens sa kanyang Pepper story, na karamihan ay naka-relate sa kanyang nararamdaman. Ibinahagi rin ng iba ang kanilang pet story at may kalakip pang mga larawan.
Umabot na sa mahigit 50K views ang huling pasilip kay Pepper sa video na ibinahagi ni Bitoy.
