Pangarap ng maraming Pilipino ang makarating sa mga bansang mayayaman upang doon ay makapagtrabaho na may mataas na suweldo para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang pamilya.
Isang Pinay ang pinalad na makarating sa Amerika matapos niyang makilala ang isang Amerikano na nagngangalang Wolfe na naging asawa niya.

Screenshot from Inday Roning’s YouTube video
Ngunit hindi nagtagal ang kanilang relasyon kaya’t muli siyang nakapag-asawa, si Chris Meloche.
Sari-sari na ang naging trabaho sa Amerika ng Pinay na si Rona Meloche, na mas kilala ngayon bilang si Inday Roning, tulad ng pagiging waitress, saleslady, caregiver at pagiging family driver.
Paminsan-minsan ay kumikita rin siya bilang tagapag-alaga ng mga aso. Nag-aaral din daw siya para maging isang nursing assistant.
Sa kabila ng marami niyang pinagkakaabalahan, isang “raket “ ang regular niyang ginagawa – ang “dumspter diving” o ang pangangalkal ng mga basurahan. Ginagawa niya iyon tatlong beses sa isang linggo.
Niyaya lang daw siya noon ng isang Pinay na kaibigan sa Florida, subalit kalaunan ay nagustuhan na niya ang pagiging basurera kung saan sari-saring pagkain at mga gamit na mapapakinabangan ang nakukuha nila.
May sariling negosyo ang asawa niyng si Chris na aminadong noong una ay ayaw niya ang ginagawa ng asawa, subalit dahil nakikita niyang masaya si Inday Roning sa ginagawa ay buong puso na niyang pinayagan at sinuportahan ang asawa sa pagiging basurera.

Screenshot from Rated Korina’s YouTube video
Wika ni Chris, bukod sa nakakatipid na sila ng pera ay nakatutulong pa sa kapwa ang asawa dahil idino-donate ang karamihan sa mga nakakalakal nito.
Kuwento ni Inday Roning, nakakatipid silang mag-asawa ng $1,500 kada buwan o katumbas ng P75,000 sa gastusin sa bahay dahil sa pangangalakal niya.
Nakatutulong din siya sa mga kaanak na naiwan sa Pilipinas dahil ang mga nakukuhang mga gamit sa basurahan at ang natitipid na pera ay ipinadadala niya.

Screenshot from Inday Roning’s YouTube video
Wala pa siyang planong tumigil sa pangangalkal ng mga basurahan sa Amerika.
Aniya, hanggang may itinatapon na mapapakinabangan pa na puwede niyang mai-share sa iba ay patuloy ang gagawin niyang dumpster diving.
Gumawa si Inday Roning ng sariling Youtube channel walong buwan na ang nakararaaan at ngayon ay mayroon na iyong mahigit 443,000 subscribers at milyun-milyong views.

Screenshot from Inday Roning’s YouTube video