Bukod sa paggunita ng kapanganakan ng Maylikha, ang Kapaskuhan ay itinuturing din na panahon ng pagbibigayan. Ganito ang paniniwala ng isang ninong mula sa Obando, Bulacan na umabot pa sa P100k ang utang mabigyan lamang ng aginaldo ang mahigit 200 na mga inaanak.
Kuwento ng 32 anyos na gurong si Giraud Resurreccion sa isang panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho, kung minsan ay umaabot sa lima kada araw ang inaanak niya hanggang sa umabot na ang bilang nito sa 218.
“Siguro nakita nila sa akin na disiplinado akong teacher. Wala naman akong matris pero nanganganak nang nanganganak ‘yong inaanak ko,” biro niya pa sa panayam sa programa.
Dahil itinuturing niya na ring parang sariling anak, sa pangregalo na sa mga inaanak napupunta ang lahat ng mga natatanggap niyang biyaya tuwing Disyembre – ang kaniyang suweldo, 13th month pay, at maging ang kaniyang bonus.

Imahe mula sa Facebook | KMJS/Giraud Resurreccion
Ngayong taon, umutang pa siya ng P100k mula sa kaniyang kapatid. “Tinuturing kong blessing ang pagiging ninong. Nabibigyan ako ng pagkakataong maging pangalawang magulang sa mga bata,” aniya.
Sa pagdedesisyon kung magkano ang ibibigay sa bawat inaanak, sabi niya, “Kapag hindi nangungumusta, P100. ‘Pag madalas na nagmamano, nag-iincrease,” aniya pa.
Samantala, napa-react naman ang netizens sa pagiging mapagbigay ng guro. “Sana all. Joke lang. Hindi naman ‘yan ang batayan ng pagiging ninong talaga. The best pa rin ‘yong kapag nangangailangan ang inaanak, may magpapayo at gagabay sa kaniya,” sabi ni Elsie N.

Imahe mula sa Facebook | KMJS/Giraud Resurreccion
Sabi naman ni Lanie T., “may mga ninong at ninang din ako pero ‘yong Nanay ko, hindi niya kami inoobliga na pumunta o mamasko sa mga bahay nila.”
Matatandaang noong 2019 ay ipinaalala ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang responsibilidad ng mga ninong at ninang ay maging pangalawang magulang ng mga inaanak at hindi tagabigay ng regalo tuwing Pasko.
Bukod dito, dapat ay maging mabuting ehemplo rin ang mga ninong at ninang para sa kanilang mga inaanak.
“Kumustahin n’yo ang mga inaanak n’yo, bisitahin n’yo, magbigay kayo ng mabuting halimbawa para masabi ng mga bata na, ‘Ah ‘yong ninong at ninang ko mabuting Pilipino, mabuting Kristiyano,” sabi pa niya.
