Pagkakaisa ang panawagan ni Sen. Manny Pacquiao mula sa kaniyang kapwa presidential aspirants sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ni super typhoon Odette.

Screenshot mula sa Twitter
Ani Sen. Pacquiao sa isang Facebook post kung saan naka-tag ang mga makatutunggali sa 2022 elections, sa pagkakataong ito ay dapat muna nilang isantabi ang politika.
“I appeal to my fellow candidates, VP Leni Robredo, Bongbong Marcos, Mayor Isko Moreno Domagoso, Sen. Ping Lacson, Ka Leody, that due to the devastation of typhoon Odette that we set aside all politics and join together all our resources to help our fellow Filipinos in Visayas and Mindanao,” pahayag niya.
“Magsama-sama tayo upang tulungan ang ating kababayan na nasalanta ng bagyo. Now is the time to come together as one. Tulungan natin sila,” dagdag pa ni Sen. Pacquiao sa kaniyang post.

Imahe mula sa OVP
Samantala, sa Twitter post ni Sen. Pacquiao ay tumugon si VP Robredo sa panawagan niyang ito.
“Joining you in this call, Sen. Manny,” sagot niya.
Nagpasalamat naman si Sen. Pacquiao dahil sa pagtugon niyang ito. “Thank you, VP Leni. Let us begin coordinating our efforts. We already prepared cargo planes so we can mobilize and respond quickly,” dagdag naman naman ng senador.
Ikinatuwa naman ng kampo ni VP Robredo ang inisyatibong ito ng senador. Sabi ni Atty. Barry Gutierrez, mabilis na sumang-ayon dito ang bise presidente dahil alam niyang ito ang kailangan ngayon ng mga Pilipino.

Imahe mula sa Senate
“Natutuwa nga kami na nauna si Sen. Pacquiao rito at mabilis kaagad na sumang-ayon si VP Leni dahil sa panahon talaga na ganito na may malaking pangangailangan ang ating mga kababayan, i-set aside muna natin ‘yong politika,” ani Atty. Gutierrez.
“Magtulong-tulong tayo para makapagbigay ng tamang tulong at suporta dun sa mga kapatid nating naapektuhan ng Odette.”
Umaasa rin silang makikipagtulungan din sa kanila ang iba pang mga kumakandidato sa pagkapangulo.