Zeinab Harake, Alex Gonzaga nag-collab para pagbigyan ang hiling ng isang guro

Nagbigay ng P160k cash ang vlogger na si Zeinab Harake sa isang guro na nagpadala sa kaniya ng liham upang humingi ng tulong para sa mga estudyante niya sa Caloocan.

Dahil papalapit na ang Pasko ay nagbibigay ng tulong si Zeinab sa kaniyang mga subscriber sa pamamagitan ng content na tinawag niyang “Santa Zebby.” Isa ang gurong si Rachel-Ann Rebite mula sa Camarin D Elementary School sa mga napili niyang tulungan.

Imahe mula sa YouTube | Zeinab Harake

Ani Zeinab, natuwa siya nang malamang hindi personal na kahilingan ang nakasaad sa liham ng guro. 

“Balak po sana namin na makakuha ng materials na gagamitin para sa pagbasa ng mga bata, ‘Yon nga po yung tinawag naming PBB. Pandemya ka lang, Babasa ang mga Bata.,” ani Teacher Rachel.

Malaking tulong daw para sa 7,000 estudyante ng paaralan kung magkakaroon ang guro ng sariling photocopying machine.

“May ginawa po akong libro na makatutulong upang ang mga bata ay makapagbasa. Nakakalap na rin po ng pailan-ilang bond papers para sa mga bata pero wala po kaming sariling xerox machine,” sabi ng guro sa kaniyang liham.

Imahe mula sa YouTube | Zeinab Harake

“Kung ako po ang inyong mapipili, dalangin ko po na magkaron kami ng sariling xerox machine. Hindi lang po ako ang matutulungan nito kundi ang libong mag-aaral ng aming paaralan.” 

Upang mabigyan ng tulong ang guro ay inimbitahan ni Zeinab ang kapwa vlogger na si Alex Gonzaga upang maglaro. Pagugulungin ni Alex ang mga ping pong ball sa mga butas at tutumbasan ni Zeinab ng cash ang bawat mashu-shoot niya.

Sa tulong ng asawang si Mikee Morada ay nalikom ng kabuuang P150k si Alex. Dinagdagan pa ito ni Zeinab ng P10k.

Imahe mula sa YouTube | Zeinab Harake

“Sobrang dami po talaga nitong matutulungan. Kasi po napakalaki ng school namin pero kulang kami sa mga kailangan ng mga bata. Sobrang laki pong tulong nito. Ipapaalam ko sa kanilang lahat kung san ‘to galing saka sana makita n’yo po kung saan ito mapupunta,” sabi niya.

Bago ito ay nakipag-collab din si Zeinab kay Kim Chiu para sa “Santa Zebby” upang tulungan naman ang isang working student na nabigyan nila ng P100k.

Samantala, kabilang naman sina Alex at Zeinab sa Top Creators ng YouTube para sa taong 2021.

Panoorin ang vlog ni Zeinab dito:

Post a Comment

Previous Post Next Post