Pagpo-post ni Jinkee ng mamahaling OOTD hindi pagyayabang - Manny Pacquiao

Kilala ang maybahay ni Senator Manny Pacquiao na si Jinkee sa hilig nitong mag-post sa social media ng kanyang mga mamahaling outfit of the day (OOTD).

Marami ang humahanga sa magaganda at de-klaseng OOTD ni Jinkee subalit marami rin ang bumabatikos sa kanya dahil hindi umano dapat ibinabandera ang karangyaan lalo na’t marami ang naghihikahos sa bansa sanhi ng pandemya.

Image from Jinkee Pacquiao’s Instagram account

Sa kabila ng mga batikos na ipinupukol sa kanyang asawa ay hindi umano sila naaapektuhan niyon, ayon kay Senator Manny Pacquiao na kumakandidato ngayon sa pagka-pangulo.

Nilinaw niya na hindi mayabang si Jinkee.

Sa ”Ikaw ang On The Spot: The Presidential Candidate’s Interview” ng DZMM TeleRadyo noong Miyekules, ika-8 ng Disyembre, sinabi ng preidential aspirant na hindi pagyayabang ang pakay ng mga social media posts ng asawa.

Aniya, nais daw ng asawa niya na ma-inspire ang iba upang magsumikap sa buhay. Na kahit galing sa pagiging mahirap ay posible pa ring guminhawa.

“Alam n’yo po, hindi naman ako naaapektuhan diyan kasi naniniwala kami sa Panginoon. Ang aking asawa lamang po ay hindi naman po talaga mayabang ‘yan, ‘no. Nagpo-post siya ng ganyan, hindi naman ipinagmamalaki niya, gusto lang niyang bigyan ng inspirasyon ang ating mga kababayan na magsikap, walang imposible,” wika ng pambansang kamao.

Paliwanag pa ng senador, proud sila sa mga natamo nila dahil pinagsumikapan naman nila ang mga iyon.

Image from Jinkee Pacquiao’s Instagram account

“Kasi kami, galing sa pinakamahirap na pamilya. Dahil sa nagsikap, kami ay proud kami na ‘yung mga natamo namin sa buhay, hindi po namin ninakaw ‘yan, pinaghirapan po namin,” aniya.

Nararapat lang daw na ma-enjoy nila ang kanilang pinaghirapan.

Iginiit niya na humble si Jinkee at hindi pagyayabang ang pakay sa anumang ipino-post sa social media pages niya.

Bukod sa pagiging humble ay matulungin pa umano ang misis niya.

Hindi raw nila inaanunsyo ang ginagawa nilang pagtulong dahil labag umano iyon sa paniniwala nila bilang mga Kristiyano.

Image from Jinkee Pacquiao’s Instagram account

Post a Comment

Previous Post Next Post