Rabiya Mateo itinigil ang paghahanap sa biological father

Itinigil na ng beauty queen-turned-actress na si Rabiya Mateo ang paghahanap niya sa kanyang biological father.

Sa kabila nito nilinaw niya na mananatiling bukas ang kanyang pintuan para sa posibilidad na balang-araw ay magkita pa rin silang mag-ama.

Image from Rabiya Mateo

Matatandaang isa sa mga hangarin niya nang magtungo siya noon sa Amerika para sa Miss Universe pageant bilang kinatawan ng Pilipinas ay ang makita ang kanyang ama na huli niyang nakapiling noong limang taong gulang pa lang siya.

“Isa rin po talaga ‘yan sa goal ko kung bakit ako sumali ng Miss Universe Philippines. Gusto ko sana malaman if nasaan na ‘yung daddy ko, if okay lang ba siya. Kasi kung hindi, kung kailangan niya ng anak, pupuntahan ko siya at aalagaan ko siya,” pahayag niya noon.

Aniya, alam naman niya ang pangalan at birthday ng ama na isang Indian kaya malaki ang pag-asa niyang matutunton niya ito.

Isang Indian community nga raw ang kumausap sa kanya noon para matulungan siya, subalit wala ring nangyari. Ang huli niyang balita sa ama ay naninirahan ito sa Chicago at isa itong doktor.

Kuwento pa n’ya noon, ang amang si  Syed Mohammed Abdullah Moqueet Hashmi ang nagbigay sa kanya ng pangalang Rabiya na ang kahulugan ay reyna o prinsesa.

Wala naman daw siyang hinanakit sa ama kahit sa palagay niya ay plano talaga nitong iwanan sila.

“I think it was his plan to abandon us,” nabanggit noon ni Rabiya tungkol sa pag-alis ng ama patungong Amerika na bagama’t inaasahan nilang babalik ito ay hindi na  muling nagpakita.

Maging ang mga kapatid ng ama na nag-aaral noon dito sa Pilipinas ay bigla rin daw naglahong parang bula at hindi na rin nila ma-contact.

Halos hindi na raw niya maalala ang itsura ng ama dahil bata pa siya noon nang umalis ito, pero sa kabutihang-palad ay may lumang litrato naman sila habang kalong-kalong siya ng ama.

Image from Rabiya Mateo

Hanggang ngayon ay wala pa ring balita tungkol sa kinaroroonan ng ama.

“Pero as of now po, wala pa po talagang balita. Wala pa pong progress at all,” aniya.

May posibilidad daw na alam na ng ama ang tungkol sa paghahanap niya dito at hindi pa ito handa para harapin siya.

“Kasi I’m also scared for the fact that, what if alam na niya ‘yung news about sa akin? And what if he’s not ready because he has a family? I don’t wanna force something na he’s not ready to take responsibility of seeing me. Or marami kasing possible na dahilan,” aniya.

Kailangan daw niyang maging bukas sa anumang posibilidad.

Image from Rabiya Mateo

Post a Comment

Previous Post Next Post