Roxas Boulevard isasara ng 3 buwan, mga apektado umalma

Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong tatlong buwang pagsasara ng Roxas Boulevard southbound para sa pagkukumpuni ng nasirang drainage structure sa tapat ng Libertad pumping station .

Screenshot from UNTV video

Nakipag-ugnayan na si MMDA chairman Benhur Abalos sa mga opisyal ng transportasyon, public works at ng International Container Terminal Services, Inc. upang sabihan ang mga ito na maghanap ng alternatibong ruta para sa mga trailers at trucks na maaapektuhan ng temporary closure ng kalsada.

Ayon kay Chairman Abalos, isa sa mga sinisilip na solusyon ay ang paggamit ng mga barge para sa mga containers van mula sa pier patungong Cavite.

“One of the possible solutions that we are eyeing is for the container vans to be carried on the barge and will be transported from Manila International Container Terminal going to the Cavite Gateway Terminal in Tanza, Cavite,” aniya.

Tinatayang 1,000 cargo trucks at trailers ang dumadaan sa southbound ng naturang kalsada kada araw.

Nagpahayag naman ng  pagtutol ang grupo ng mga truckers sa planong pagsasara ng Roxas Boulevard.

Ayon kay Maria B. Zapata ang presidente ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, lubos na maaapektuhan ang truck operators na gumagamit ng nabanggit na kalsada.

Screenshot from UNTV video

“Kung ang lahat ng kargamento going to Cavite is via a barge na, nasan na ’yung negosyo ng trucking? Eh di wala na, hindi ba? Pinapatay nila ’yung hanapbuhay ng truckers,” aniya.

Nag-suggest siya na gamitin ang bahagi ng northbound lane at panatilihing bukas ang dalawang lanes ng southbound ng Roxas Boulevard.

“Our suggestion is ’yung northbound na apat na lanes ay baka naman pwedeng gawing two lanes ’yung papuntang south, at dalawa papuntang north para at least may outlet para naman hindi ma-congest ’yung papuntang South Superhighway,” giit ni Zapata.

Sinabi naman ng presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. na si Sergio R. Ortiz-Luis, Jr.  na dapat mag-isip pa ng ibang paraan ang MMDA sa gagawing pagkukumpuni ng drainage na hindi kinakailangang ipatupad ang total closure ng southbound ng kalsada.

Screenshot from UNTV video

 

Post a Comment

Previous Post Next Post