Tagtuyot sa kanyang career napaghandaan na ni Bayani Agbayani

May maayos na retirement plan na pala ang komedyanteng si Bayani Agbayani kaya kahit daw dumating ang tagtuyot sa kanyang career ay handa siyang harapin iyon.

Sa panayam sa kanya ng RAWR Nation via YouTube, sinabi ng mahusay na komedyante na kahit nga ang hindi inaasahang pandemya ay nairaraos ng kaniyang pamilya dahil sa ginawa niyang paghahanda para sa kanilang kinabukasan.

Screenshot from RAWR Nation video

Aniya, noong marami siyang trabaho ay nag-ipon siya nang nag-ipon.

“Kasi ako naman pinaghandaan ko na ang maaaring darating na tagtuyot sa buhay ko. Talagang noong marami akong trabaho, nag-ipon ako nang nag-ipon. Hindi ko nga alam na magkakaroon ng pandemic eh, pero nakahanda na ako doon,” aniya.

Habang bata pa raw silang mag-asawa ay nais na nilang magawa ang makapamasyal at makapag-cruise. Lalo na’t malalaki at nasa kolehiyo na ang kanilang mga anak.

“May plano na kaming mag-asawa na mamamasyal kami sa buong mundo kasi malalaki na ‘yung mga anak namin, college na, it’s about time, 52 na ako. Sabi ko, ‘Mama, hangga’t bata pa tayo, mag-cruise-cruise na tayo.’ Ganon balak namin,” pagbabahagi niya.

Ang planong pamamasyal ay naantala dahil nagkapandemya at sa biglang pagkakaroon niya ng mga bagong proyekto tulad ng noontime show na Lunch Out Loud sa TV5.

Screenshot from LOL

Dahil din sa pandemya ay nabago ang ilang pananaw ni Bayani. Kung dati rati ay gusto niyang makapamasyal sa ibang bansa, ngayon ay isa na sa kanyang adbokasiya na dapat umano unahin ang mga gawang lokal.

“Sabi ko nga sa mga bata, unahin natin ‘yung Pilipinas. Kasi para ‘yung pera natin, umikot dito sa bansa natin. ‘Yun nga lagi–local first. Kahit sa pagbili ng damit, sa pagbili ng pagkain, sa panonood ng concerts, OPM muna tayo. Dapat umikot muna ‘yung pera natin sa bansa natin, huwag muna tayo mag-isip ng imported. Kung ano muna ‘yung nasa bansa natin. Kaya dito muna kami,” paliwanag niya.

Para sa pagdiriwang ng ika-53 niyang kaarawan sa January 3, 2022 ay magtutungo umano silang buong pamilya sa Davao simula sa December 25 at babalik sa Maynila sa ika-4 na ng Enero.

Image from Facebook

Panoorin ang panayam via RAWR Nation:

Post a Comment

Previous Post Next Post