Vice Ganda at mga ‘It’s Showtime hosts’ nag-donate ng talent fee sa mga biktima ni ‘Odette’

Sa pangunguna ni Vice Ganda, isa-isang nangako ang mga host ng ‘It’s Showtime’ na ibibigay nila ang kanilang isang araw na talent fee para sa mga nasalanta ng bagyong ‘Odette’.

Nitong Martes, Disyembre 22, hinimok ni Vice ang publiko at ang kaniyang mga kasamahan sa Kapamilya noontime show na tumulong sa mga dinaanan ng bagyo sa bandang Mindanao at Kabisayaan.

Screenshot mula sa You Tube

“Habang tayo’y nagkakasiyahan, alam kong marami tayong ginagawa, marami tayong naplano, pero as our lives go on, huwag nating kalimutan na may mga nangangailangan na mga Kapamilya natin ng tulong na mga nabiktima ng bagyong Odette sa Cebu, sa Siargao, at sa napakaraming lugar sa Pilipinas,” ani Vice.

Tinatayang nasa mahigit P225-M sa inprastruktura at mahigit P162-M naman sa agrikultura ang tinamong pinsala ng mga apektadong probinsiya dahil sa pananalasa ni Odette noong nagdaang linggo.

Maliban dito, nasa mahigit 170 katao naman ang hindi pinalad na makaligtas at nasa 38 pa ang patuloy na hinahanap ngayon.

Imahe mula sa Facebook| ABS-CBN Foundation

Sa kabuuan, nasa halos kalahating milyong Pilipino ang lubhang naapektuhan ng bagyo na nataon pa namang nasa panahon ng Kapaskuhan.

“Kaya sana magtulong-tulong po tayo, kailangan po tayo ng mga kababayan natin. Again, alam ko Pasko ngayon, nagkakasiyahan tayo pero isipin pa din natin kahit papaano isama natin sa mga plano natin ang mga kababayan nating nabiktima ng Odette,” wika pa ng comedian-host.

Hinimok rin ni Vice ang kaniyang mga followers sa Instagram na i-donate anuman ang kanilang makayanan sa ABS-CBN Foundation.

Screenshot mula sa You Tube

“At bilang panimula, yung TF ko ngayong araw ibibigay ko sa Sagip Kapamilya para sa mga Kapamilya natin,” dagdag pa ng komedyante.

Dahil dito, sumunod namang nangako ang kaniyang mga co-hosts na sina Kim Chiu, Vhong Navarro, Amy Perez at iba pa na ido-donate din ang kani-kanilang TF para sa araw na iyon.

Wika pa ni Perez, “Patuloy ang pagdarasal natin para sa ating mga kapamilya. Kaya po natin ‘ to. Babangon tayong muli, at magsasama-samang muli.”

Post a Comment

Previous Post Next Post