Nagpositibo sa COVID-19 ang 18 sa 20 kataong nakasalamuha ng dalawang close contacts ng tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Chua.
Ang nabanggit na 20 indibidwal ay dumalo sa isang benefit concert para sa mga biktima ng bagyong Odette na ginanap sa Kermit La Union, isang resto-bar sa bayan ng San Juan, La Union noong Disyembre 29, 2021.
Ayon kay kay Mayor Arturo Valdriz ng San Juan, kaagad silang naglabas ng executive order noong Enero 7 para pansamantalang ipasara ang mga establisimyento na malapit sa Urbiztondo beach. Ang temporary closure ay magtatagal ng 15 araw.

Mayor Arturo Valdriz| Imahe mula sa Facebook
Ito ay upang bigyang daan ang pagsasagawa ng contact tracing at disinfection ng mga apektadong lugar at negosyo.
Bukod dito, isasailalim din sa RT-PCR test at mahigpit na home quarantine ang lahat ng mga empleyado ng mga apektadong establisimyento kabilang na ang mga tricycle drivers na namamasada sa naturang lugar.
“All confirmed cases shall be isolated at any available isolation facility in the town,” ani Mayor Valdriz.

Image from Philnews
Ayon naman kay Dr. Rheuel Bobis ng DOH Ilocos Region, karamihan sa nabanggit na close contacts ay walang sintomas ng COVID-19.
Kung matatandaan, si Chua o ‘Poblacion Girl’ ay naging trending topic sa balita at social media matapos nitong ipagmalaki ang kaniyang ‘koneksiyon’ para hindi dumaan sa mandatory hotel quarantine nang dumating ito sa bansa noong Disyembre 22.
BASAHIN: “Poblacion Girl” na nag-party at nagkalat ng virus dapat managot sa batas – Direk Joey Reyes
Lalo pang nagalit ang mga netizen nang malamang dumalo ito sa isang party sa Poblacion Village sa Makati City at kinalaunan ay nagpositibo sa COVID.

Image from Berjaya
Noong nakaraang linggo, pormal nang sinampahan ng reklamo si Chua at walong katao pa kabilang na ang kaniyang magulang, kaibigan at mga empleyado at opisyal ng Berjaya Hotel kung saan dapat siya naka-quarantine.
BASAHIN: Mga magulang ni Poblacion Girl, hotel employees sabit sa reklamong isinampa ng CIDG
Ang kaso ay isinampa ng PNP-CIDG at ito ay may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.