Muling nagkita ang mga dating Pinoy Big Brother (PBB) housemates na sina Alexa Ilacad at Eian Rances para personal na masilayan ang SM Mall of Asia (MOA) Globe surprise ng mga sumusuporta sa tambalan nilang nabuo sa Bahay ni Kuya (BNK) na kung tawagin ay Aleian.

Sa Instagram, ibinahagi nina Alexa at Eian ang mga larawan at video nila na kuha sa tapat ng SM MOA Globe na punong-puno ng mga footage nila sa BNK. Sa ilang minuto, naipakita ang ilang highlights ng pananatili nila sa PBB House at naipadama rin sa dalawa kung gaano sila sinusuportahan ng mga ito.
“Blessed and thankful to have you all,” ani Eian. “We love you, Aleians!”
“Aleians, thank you! This is absolutely mind-blowing and incredibly sweet of you. Ramdam namin ang pagmamahal ninyong abot outerspace. We love you sooooo very much! Windang pa rin kami,” wika naman ni Alexa.

Matatandaang ibinahagi kamakailan ng Titas of Aleian sa Twitter ang ilang photos at clips na kuha sa higanteng globo noong mga sandaling pine-play dito ang videos ng mga moments nina Alexa at Eian sa PBB House. Kung mayroong “alien invasion”, ito naman daw ang tinatawag nilang “Aleian Invasion”. Ikinatuwa ito nina Alexa at Eian na agad nagpasalamat sa kanila.

“Hindi makapaniwala sa suporta at pagmamahal ninyo. Mayayakap ko rin kayo lahat nang mahigpit sa takdang panahon. Maraming salamat! Mahal na mahal namin kayo,” saad ni Eian.
“OH MY GOD! Aleians, you really are out of this world! This is absolutely mind-blowing, @titasofaleian. THANK YOU INFINITY TIMES! Can’t wait to see this in person and take photos,” sabi naman ni Alexa.
At nagulat na lamang ang mga fan nang puntahan na nga ito ng PBB love team.
Aleian sa labas ng Bahay ni Kuya
Matatandaang marami rin ang kinilig matapos mag-tweet si Eian at sabihing hindi naging madali para sa kanya ang mga nakalipas na buwan ngunit “worth it” ang lahat ng mga pinagdaanan niya dahil kay Alexa.
“The last few months have been a roller coaster ride, but all worth it kasi naro’n ka. Thank you for being you. Happy New Year, @alexailacad,” wika niya.
Bukod pa rito, nagpadala rin si Eian ng isang kahon ng rosas na may kalakip na mensahe para sa kanyang fellow celebrity housemate, “Maglalakbay patungo sa kung saan, kahit walang kasiguraduhan, dala-dala ang napagkasunduan, na tayo lang ang may alam.”
Makulay ang mga pangyayari sa loob ng bahay sa pagitan nina Alexa at Eian. Naging malapit ang dalawa ngunit sinubok din ang pagsasama, kaya naman hati palagi ang reaksyon ng mga tao sa tuwing may nababalitaan tungkol sa dalawa. Gayunman, hindi nagpapatinag ang Aleian fans.