Asymptomatic health workers na na-expose sa COVID patients sa PGH, tuloy ang trabaho

Upang patuloy na makapagbigay-serbisyo sa gitna ng pagdami ng kaso ng COVID-19, patuloy na magtatrabaho ang mga healthcare workers sa Philippine General Hospital (PGH) na na-expose sa mga nagpositibo ngunit walang sintomas ng COVID-19.

Imahe mula sa PNA

Sa isang panayam sa PTV-4, sinabi ni PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario na sa kasalukuyan ay 25 percent ng kanilang workforce ang may COVID-19. Sa kabuuan naman ay aabot sa 40 percent ng kanilang empleyado ang nagpositibo o na-expose sa COVID-19.

Dahil dito ay nagdesisyon silang sundin ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na huwag nang isailalim sa quarantine ang mga healthcare worker na hindi nakararanas ng sintomas ng virus.

“Kagaya ng suggestion ng IATF, in-adopt na rin namin na lahat ng mga asymptomatic na na-expose, hindi na namin sila pinag-quarantine. Basta wala po silang symptoms ay tuloy lang po ang trabaho kasi po hindi po namin kayang i-quarantine ang napakaraming empleyado – doktor, nurses, at mga support staff kasi wala na pong magseserbisyo sa ospital,” paliwanag ni Del Rosario.

File photo mula sa PNA

Gayunpaman, patuloy nilang sinisigurado ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng patuloy na monitoring.

“Everyday, mino-monitor ang symptoms. Kapag may naramdaman ‘yong empleyado na kakaiba, ite-test na po kaagad sila at i-a-isolate kung sila ay may COVID. Continuous ‘yong monitoring. Hindi rin naman natin isasabak ‘yong doktor at nurses natin kung sila ay may nararamdaman,” aniya.

Dagdag pa rito, level up din ang mga personal protective equipment na ginagamit ng kanilang mga staff.

File photo mula sa PNA

Samantala, mas kaunti naman ang mga naitalang COVID-19 patients na may respiratory problem.

“Mas kaunti ngayon ang mga pumapasok na may respiratory problem, ‘yong kailangan ng ventilator, o kailangan na ma-intubate na mababa ang oxygen na hirap na hirap huminga. Bihira po ‘yon. Mas dumadating silang critically ill dahil may iba pa po silang sakit pero may COVID din,” paliwanag niya.

Nakapagtala ng 26,458 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong Sabado, Enero 8.

Post a Comment

Previous Post Next Post